EDITORYAL - Lambatin mga ‘buwaya’ sa Immigration
Marami pang ‘‘buwaya’’ sa Bureau of Immigration at nagbabala si President Duterte na marami pa siyang sisibaking opisyal at personnel kaugnay sa nabulgar na ‘‘pastillas’’ modus sa Ninoy Aquino International Airport. Kabilang umano sa mga sisibakin niya ang ilang ka-brod sa fraternity. Wala aniya siyang magagawa kundi gawin ang nararapat para matapos na ang corrruption.
Nauna nang sinibak ng Presidente ang 19 na Immigration officials at personnel makaraang mabulgar ang “pastillas” modus. Binigyan naman niya ng pagkakataon si Immigration Commissioner Jaime Morente para linisin ang tanggapan. Binalasa naman ni Morente ang 800 personnel ng Immigration sa NAIA at meron pa raw susunod na babalasahin. Total revamp daw ang gagawin niya sa tanggapan.
Magandang hakbang ang ginawang ito ni Morente. Pero mas maganda kung isasailalim din sa “lifestyle check” ang mga personnel ng Immigration sa NAIA. Dito makikita ang klase ng buhay ng mga “buwaya”.
Nadiskubre ang ‘‘pastillas’’ nang ibulgar ng isang Immigration employee na kaya madaling nakaka-pasok sa bansa ang mga Chinese na magtatrabaho sa Philippine Offshore and Gaming Operators (POGOs) ay dahil sa mga corrupt sa kanilang tanggapan. Bawat Chinese umano ay hinihingan ng P20,000 para makapasok nang walang kahirap-hirap. Nangyayari ang modus sa NAIA Terminal 1 at 3.
Pero bago nabulgar ang “pastillas” modus, marami na ring hinuthutan ang mga corrupt sa Immigration, Noong nakaraang taon, 15 South Koreans na nakatira sa Angeles City, Pampanga ang nagreklamo na hiningan sila ng pera ng mga taga-Immigration kaugnay sa overstaying. Pinigil at tinakot umano sila na ikukulong kung hindi magbibigay ng P280,000 hanggang P1 milyon. Tinatayang P9.4 milyon ang nakuha ng Immigration officials sa mga Koreano.
Ituloy ang balasahan sa Immigration. Marami pang ‘‘buwaya’’ roon. Matutuwa ang mamamayan kung malalambat ang mga ito.
- Latest