Siyempre naman ang pangho-hostage ay isang krimen. Bawal sa batas. Dapat papanagutin at makulong ang magbanta ng karahasan at maglagay ng buhay ng ibang tao sa alanganin. Pero ilang pelikula na ba ang napapanood natin tungkol sa mga taong nadiin sa isang sulok, naabuso, pinagmalupitan, sadlak sa gutom at hirap na sabihin na lang natin na natulak sa pagkadesperado?
Nag-amok tila ang sekyu na si Alchie Paray, 40 taong gulang, may asawang buntis at dalawang anak. Mabait daw itong si Paray ayon sa mga tenant sa mall. Kaya nagulat sila sa nangyari. Nang-hostage ng 30 katao sa Virra Mall sa Greenhills sa loob ng madramang 10 oras.
Sa dulo, pinakawalan din ni Paray ang lahat ng hostage nang walang nasaktan. Tinanggihan ni Paray ang marahil ay kunwari lang na alok na P1 milyon, pakawalan lang ang mga hostage. At ang tanging hiling ay makapagsalita sa publiko.
Naalala ko ang mga panahon ko sa pangongomentaryo sa radyo. Noong 1990’s uso ang pangho-hostage o ang tangkang pagpapakamatay ng isang tao at ang hihingin sa mga negosyador ay ang pagsasalita sa isang komentarista sa live radio.
Minsan na rin akong nahiling na makausap ng isang hostage taker habang nasa radio at naririnig ng bayan. Matagal na ring ipinagbawal ang ganitong gawain ng mga media. Hindi na maaaring namamagitan sa ganoong sitwasyon, delikado nga naman. Pero natatandaan ko ang mga panaghoy nitong mga nagbabanta, hindi naiiba sa mga hinaing ng sekyu na si Paray.
Hostage-taking, Pilipino style. Nakakapag-presscon ang isang hostage taker bago siya posasan. Pagkatapos pakawalan ang mga bihag, pinagbigyan ng pulis na makapagsalita sa media ang salarin.
Hindi raw pera ang habol niya, kundi hustisya. Nais daw niyang mag public apology ang security agency at pamunuan ng ma. Isinumbong niya ang mga umano’y abusadong mall security officers. Mayroon daw mga paborito at may iniipit. Mayroon daw abuse of authority.
Habang natatawa, nangingiwi at di makapaniwala ang marami na nakapag-privilege speech pa si Paray sa media bago ikulong, marami rin ang humanga kahit paano na nilagay din niya ang sarili sa alanganin upang makapaghatid ng mensahe para narin sa kapakanan ng mga tulad niyang hikahos, iniipit ng sistema sa labor, at walang mabalingan o masandalan.
Sa mata ng mga banyagang media, sinasabing ang pangyayari ay nagpapadilat ng mata ng gobyerno dito sa atin na baguhin na ang mga sinauna at mapaniil na mga batas tungkol sa pagbabawal na sumapi o pagbuo ng unyon, sa minimum wage ng isang empleyado at ang rotation sa isang pribadong ahensya.
Nakakaawa nga naman ang marami na di nakapagtapos ng pag-aaral, pagsesekyu lang ang training. Pero sa dami nilang ganito ang pinapasukan, marami silang nagsisiksikan sa iisang ahensya. Hindi labag sa batas ang rotation. Pero kailangang pag-aralan ang kabuuan ng batas para walang sumosobra ang pagkadehado.
Sa ngayon, nahaharap na si Paray sa kasong frustrated murder, illegal possession of firearms and explosives, at illegal detention.
Ito ba’y dala ng pagkakataon, amosyon o kabaliwan lamang? O pinlanong sadya upang makatulong sa mas nakakarami, kahit ang kapalit ay sariling kalayaan? Anupaman sa dalawa, ang malinaw para sa marami ay iisa: kailangan nang suriin ulit at ayusin ang batas na sakop ang maliliit na manggagawa para sa kanilang mas ikabubuti. Ang tagal naman.