EDITORYAL - Magtipid sa tubig

Nagbabala ang Maynilad at Manila Water sa kanilang customers na magkakaroon ng water interruption sa paparating na mga araw dahil sa pa­tuloy na pagbaba ng tubig sa Angat Dam sa Bulacan at maging sa La Mesa Dam sa Quezon City. Patuloy rin ang pagbaba ng level ng tubig sa Ipo Dam. Kaya ang payo ng dalawang water concessionaires, magtipid sa paggamit ng tubig.

Noong nakaraang Oktubre 2019, sinabi na ng Maynilad na hindi pa rin naaabot ng Angat Dam ang tamang level ng tubig at nagpahiwatig silang maa­aring hindi ito maabot dahil sa kawalan ng pag-ulan. Nagpahayag na noon ang dalawang water concessionaires na maaaring magpatupad sila ng rotational service interruptions. Sabi nila gagawin ito para hindi agad maubos ang tubig at umabot hanggang sa summer ng 2020. At mukhang tama ang kanilang sinabi sapagkat ngayon pa lang, pababa pa nang pababa ang level ng tubig sa mga dam. Malabo nang magkaroon pa ng pag-ulan at hindi na maabot ng Angat Dam ang target na 212 masl.

Bagama’t may mga dumaang bagyo sa bansa noong Nobyembre at Disyembre ng nakaraang taon, hindi nakasapat para mapuno ang dam. Kahapon, may namataang low pressure sa Mindanao pero ayon sa PAGASA, malabo itong maging bagyo.

Kung magpapatuloy pa sa pagbaba ng level ang tubig sa mga dam, talagang makakaranas ng kawalan ng tubig ang mga lugar na sinusuplayan ng Maynilad at Manila Water. At maaaring maulit ang senaryo noong nakaraang Marso na maraming residente ang nawalan ng suplay ng tubig.

Grabeng naapektuhan ang mga residente sa east sector na kinabibilangan ng Mandaluyong, Pasig, Taguig at maraming bayan sa Rizal. Dahil sa kawalan ng tubig, marami sa mga estudyante ang hindi pumasok sa kanilang klase. Hindi sila makapaligo dahil sa kawalan ng tubig at walang magamit na pan­laba sa kanilang uniporme. Apektado rin ang mga may negosyo dahil sa kawalan ng tubig.

Ang pagtitipid at paghihinay-hinay sa paggamit ng tubig ang nararapat gawin ng mamamayan. Bawasan ang paggamit na kadalasang natatapon lamang. Hindi dapat mag-aksaya sapagkat walang ibang kawawa sa dakong huli kundi ang mamamayan na rin mismo. Pangunahan naman ng pamahalaan ang pagtitipid sa paggamit ng tubig. Inspeksiyunin naman ng Maynilad at Manila Water ang mga tubo na may leak at nasasayang ang tubig.

Show comments