Matindi ngayon ang direktiba ng DILG sa mga local executives, linisin ang kalsada sa lahat nang sagabal at ang hindi makakasunod ay masususpende. Nakikita marahil ng DILG na bumabalik sa dating gawi ang local executives kaya nagbabala. Kabilang sa mga ipinag-utos ng DILG ay ang pagbabawal sa mga tricycle at pedicab na makadaan sa mga pangunahing kalsada.
Noong nakaraang taon, nagbigay rin ng ultimatum ang DILG sa LGUs na linisin ang lahat nang obstructions para mapaluwag ang trapiko lalo na sa Metro Manila. Ang direktiba ng DILG sa local executives ay nagmula naman sa utos ni President Duterte. Binigyan ng 60-araw ng DILG ang mga mayor na linisin ang obstructions sa kanilang nasasakupan.
Banta ng DILG sa mga mayor na hindi naisagawa ang paglilinis sa mga sagabal, sususpendihin sila. Wala umano silang magagawa kapag hindi tinupad ng mga mayor ang direktiba. Ipapataw nila ang parusa sa mga mayor na nagpabaya. Sa kasalukuyan, maraming lungsod sa Metro Manila ang nakasunod sa utos ng DILG. Patuloy ang paglilinis sa Maynila at hindi na nakabalik ang mga vendor sa kalsada. Wala na ring mga naka-park na sasakyan sa mga pangunahing kalsada. Inalis ang mga istruktura na sagabal sa kalsada. Maski ang mga barangay hall at presinto ng pulis na sinakop ang kalsada ay giniba.
Isa sa mga agarang sumunod sa DILG ay ang Quezon City. Ang mga kalsadang inokupa ng vendors ay malinis na malinis na ngayon at maayos na nakakadaan ang mga tao at sasakyan. Pati ang mga nakaparadang sasakyan ay inalis din. Giniba rin ang mga tindahan na nasa sidewalk kaya nakapaglalakad na rito ang mga tao at wala nang iniiwasang mga nagtitinda.
Hanggang sa kasalukuyan, ipinatutupad ng QC government ang paglilinis sa kalsada. Ganundin ang Maynila na hanggang ngayon ay walang nakahambalang sa kalsada gaya sa Divisoria. Sumunod na rin ang iba pang lungsod sa Metro Manila sa direktiba ng DILG kaya maluwag ang kalsada.
Sana mapanatili ang ganitong tanawin. Hindi sana ningas-kugon ang mga pinuno ng bayan at lungsod sa kanilang sinimulan. Huwag nang hayaang manaig ang mga sagabal sa kalsada.