Panawagan ng International Monetary Fund sa lahat ng gobyerno na gamitin ang teknolohiya para gapiin ang katiwalian. Sa maraming bansa online na ang mga transaksiyon, singilan at bayaran. Mabilis na, bawas pa ang pakialam ng burokrata. Kabagalan at diskresyon ang tukso sa mga tiwali na kumikil o mag-abot ng suhol – paandar at pampabor.
Sa Pilipinas sinubukan gamitin ang teknolohiya kontra dayaan. Ginawang automated ang eleksiyon para eksakto at mabilis ang bilangan ng boto. Pero nang unang gumamit ng vote-counting machines sa Muslim Autonomous Region nu’ng 2008, binuhusan ng tubig ng mga warlords ang mga makina. Nang mangasira ito, nanumbalik ang kanilang pananakot at pamumuwersa sa mga botante. ‘Di naglaon, nakasilip din ang Comelec ng komisyon sa pagbili ng makina’t aksesorya.
Sa Customs bureau kontra sa computerization ang mga protektor ng smugglers. Dahil mawawalan sila ng dilihensiya, ilang ulit nila ito ipina-udlot sa korte. Nang sa wakas ay natuloy rin ang programa, binudburan ng asukal at kanin ang computers para dagain at masira ang mga loob. Yari!
Isinabatas ang online public bidding. Real time nasasaksihan ang mga pinaka-mabababang bids at kung peke ang papeles. Pero maraming Cabinet members mismo ang palihim na manual bidding pa rin.
Mainam pero hindi sapat ang teknolohiya kontra katiwalian. Kailangan pa rin ng matitinong magpapatakbo ng burokrasya, para ituwid ang mga kawatan. Tao, hindi makina, ang magpapasya.
Importante sa lahat ang nasa itaas. Kung matuwid ang pinuno, susunod ang mga tauhan. Takot lang ng mga kawatan na sumuway, mabisto, at makulong. Pero sunud-sunod na administrasyon ang nabigo kontra sa katiwalian -- dahil mali ang mga ipinuwesto sa mga ahensiya.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).