Nabasa ko ang inyong editorial noong Lunes (Pebrero 17, 2020) na tumatalakay sa mga traysikel na bumibiyahe sa mga pangunahing lansangan at nagiging dahilan ng mga malalagim na aksidente sa kalsada.
Tama po ang inyong opinyon na dapat kumilos ang mga mayor para pagbawalan na makapagbiyahe sa main road ang mga traysikel, pedicab at ang mga tinatawag na habal-habal. Pati na rin ang mga maliliit na sasakyan na tatlo ang gulong ay ginagamit na ring panghatid ng estudyante sa school. Delikado ang kanilang ginagawa sapagkat maaari silang mabangga ng mga mabibilis na sasakyan gaya ng ten-wheeler truck. Dahil maliit at walang ilaw ang mga traysikel sa gabi, masasalpok sila ng mga malalaking sasakyan.
Tama rin ang inyong sinabi na sa Roxas Blvd. sa Maynila hanggang sa Pasay ay maraming traysikel na yumayaot lalo na sa gabi at nagdedeliber sila ng gulay o kaya ay karne. Sa pagkakaalam ko, nanggagaling sa Divisoria o sa Blumenritt ang mga traysikel na may kargang gulay.
Taga-rito ako sa Paco at madalas ko ring mapansin na kahit sa mga pangunahing kalsada gaya ng Quirino Avenue at Taft Avenue ay marami ring pumapasadang traysikel at tila hindi na sila nakikita ng MTPB enforcers. O nakikita pero hinahayaan na lang dahil nagkabigayan na ng “lagay”.
Sabi ni DILG Sec. Año, ipatutupad nila ang paghihigpit sa mga traysikel pedicab at iba pa para hindi makapasada sa main road. Sana nga ay mangyari ito para naman maiwasan ang mga malalagim na aksidente. Sana rin naman ay gumawa ng paraan ang mga mayor ng bawat lungsod para mapagbawalan ang mga traysikel drayber na yumaot sa mga pangunahing kalsada. Hindi dapat hayaan ang mga ito na makapasada sa mga kalsadang dumadaan ang mga malalaking truck. Buhay nila ang nakasalalay sa gagawin.
Unahin ng DILG ang mga traysikel na bumibiyahe sa Roxas Blvd at sa Taft Avenue. Sobrang dami na nila lalo sa gabi. --MANUEL SANGALANO, Pedro Gil St., Paco, Manila