Bato-Bato

Kasabay ng pag-terminate ng Visiting Forces Agreement (VFA) sa pagitan ng Pilipinas at United States, ay ang mga balitang aalisin na rin ang mga bases o kampo ng mga Kano sa ating bansa.

At tatapusin na rin ang mga joint exercises at cooperation meron sa pagitan ng mga Kano at Pilipinong sundalo.

Ngunit hindi kaila ang malaking puhunan ng US para sa patuloy na paglalagi ng kanilang mga sundalo, lalo na ang US Navy Seals sa Isla ng Bato-Bato sa Tawi-Tawi kung saan naroon ang sinasabing elite US Navy Seals.

Noong 2009, humingi pa nga ang Department of Natio­nal Defense ng karagdagang budget na P2.9 billion upang ang Armed Forces of the Philippines ay magkaroon umano ng additional na “interdiction capability” para palakasin pa ang surveillance and communications system nito.

Ang naturang kagamitan ay upang paigtingin ang border security sa Mindanao kung saan napaka­lawak ng coastal area at shorelines nito.

May tinatayang 30,000 boat trips ang nangyayari sa pagitan ng Mindanao at Indonesia na hindi namo-monitor ng mga awtoridad dahil nga sa kaku­langan ng kagamitan at equipment. Kaya nga ito rin ang paraang ginagamit ng Islamic militants sa pag­pasok sa Mindanao mula sa Indonesia at maging sa Malaysia.

Ang paghingi ng DND ng karagdagang budget ay nagkataon na nasa kalagitnaan ng deployment ng isang malaking unit ng elite na United States Navy SEALS sa Bato-Bato Island, Tawi-Tawi.

Sinasabi na ang US ay nagbigay ng $15.5 million para sa paglagay ng radio communication systems sa tatlong remote islands sa Mindanao at sina­sabing isa na rito ay ang Bato-Bato Island.

Kumusta na nga kaya ngayon ang Bato-Bato Island at ang mga elite US Navy Seals na wari mo ay talagang mga artistang naguguwapuhan lulan ng mabibilis na speedboats na animo’y nasa Hollywood movie set.

Show comments