Sang-ayon ako sa inyong opinyon (PSN-Editorial-Enero 20, 2020 isyu) na dapat ay magkaroon ng permanenteng evacuations sa mga bayan at lungsod para hindi sa kung saan-saan lang inilalagay o dinadala ang mga apektado ng kalamidad gaya nang naranasang pagputok ng Taal Volcano sa Batangas na maraming residente ang apektado.
Tama ang inyong mungkahi na dapat sa bawat bayan o lungsod ay mayroong evacuation centers para may mapagdadalhan sa mga tao sa biglaang pagkakaroon ng kalamidad gaya ng pagputok ng bulkan. Mas matindi ang putok ng bulkan sapagkat walang babala. Gaya nga ng pagputok ng Taal noong Enero 12 (Linggo) na walang babala. Dahil sa biglaang pagputok, nasorpresa ang mga turistang namamasyal na ang karamihan ay umarkila pa ng kabayo para makarating sa crater. Huli na nang mapansin nilang nag-aalburoto na pala ang bulkan kaya nagmamadali silang bumaba at tumakas sa isla. Saglit lamang umano ang mga pangyayari sapagkat bumuga nang todo ang bulkan at maraming bahay, ari-arian at mga hayop ang natabunan ng abo.
Sana ipag-utos ni President Duterte na magkaroon ng evacuation centers para naman hindi nagagamit ang mga school. Gaya nang nangyayari sa Batangas, Laguna at Cavite na ang mga school ay ginawang evacuation centers. Nabasa ko na 170 schools ang ginamit. Paano makakapag-aral ang mga esudyante kung ang school ay ginagamit na evacuation centers.
Dapat ipag-utos din sa mga mayor na magkaroon ng evacuation sa kanilang nasasakupan. Gumawa ng permanenteng evacuation centers para hindi tatakbu-takbo sa kung saan-saan lang ang mga apektado ng kalamidad. Iprayoridad sana ito ng kasalukuyang administrasyon. Mahalaga ito at hindi naman masasayang dahil kung anu-anong kalamidad ang dumarating sa ating bansa.
Hindi lang kalamidad ang dumarating kundi pati na rin ang pagsalakay ng mga terorista na kagaya ng Marawi siege noong 2016 kung saan buong siyudad ay napulbos. Nahirapan ang pamahalaan kung saan dadalhin ang mga apekatadong residente.
Pagtuunan sana ng pansin ang permanenteng evacuation centers. –MARIO JAMOG, Tondo, Manila