Nitong nagdaang mga araw hanggang sa kasalukuyan, nakararanas tayo ng malamig na panahon dala ng hanging amihan. Pumalo sa 18.5 degrees Celsius ang naramdaman nating lamig nang nakaraang gabi kung saan katulad ng lamig na nanggagaling sa aircondition. Masarap ang tulog ko sa gabi at ‘di ko na kailangan pang mag-aircon. Bukas ang bintana at mas lalo ko pang nadama ang lamig na nagmumula sa labas.
Menos gastos sa ating bill sa kuryente, malaking bagay rin ang konsumo ng mga may aircon at gumagamit ng electric fan. Ngayon, pahinga muna, namnamin nating sabay-sabay ang malamig na simoy ng hangin. Hindi na kailangan pang dumayo sa Baguio o Tagaytay dahil dito mismo sa Metro Manila ay malamig din ang panahon. Alam nating lahat na ito’y hindi pang matagalan dahil sa susunod na buwan ang haharapin na natin ay summer.
Itong malamig na panahon ay pumapabor kung tayo ay naglalakad dahil napakasarap sa katawan kung hinahampas ng malamig na simoy ng hangin at sa mga nagda-drive ng sasakyan ngayong nakabukas ang ating bintana at menos pa tayo sa gasolina dahil ‘di na natin kailangan pang mag-on ng aircon ng ating sasakyan habang maaga ang ating biyahe. Kapag inabutan na tayo ng medyo tanghali nakakasulasok na usok ng mga sasakyan naman ang ating kalaban sa kalsada. Maibsan man lamang kahit panandalian ang init ng ulo nating mga motorista dahil sa lamig ng panahon.
Ayon sa PAGASA, hanggang sa katapusan pa ng buwang kasalukuyan ang mararamdaman nating lamig ng panahon kaya halos buong buwan ng Pebrero ay makakamenos tayo sa konsumo ng kuryente. At higit sa lahat maganda ang kondisyon ng ating katawan.