(Huling bahagi)
SA galit, nagsampa ng reklamo laban kay Marj si Denise at mga anak sa RTC para humingi ng danyos (actual, moral & exemplary) pati gastos sa abogado dahil tinanggalan daw sila ng karapatan ng babae na masilayan ang labi ni Antonio sa huling sandali pati inilibing pa ang lalaki sa mosoleo ng pamilya ng kabit na kontra sa gusto ng lalaki.
Ang argumento naman ni Marj ay mahigit 20 taon na hiwalay na ang mag-asawa bago siya niligawan ni Antonio. Niligawan daw siya ng lalaki at nagsama sila bilang mag-asawa. Pinakilala rin siya sa lahat ng kaibigan at kakilala bilang bagong asawa ng lalaki noong nabubuhay pa ito. Inalagaan din daw niya ng mabuti si Antonio noong magkasakit pati binayaran lahat ng gastos sa ospital.
Sa kabilang banda, nagpasarap-buhay sa Amerika si Denise at mga anak nito kahit pa alam nilang naghihingalo na si Antonio at nasa coma. Huling habilin din daw ni Antonio na malibing sa mosoleo ng pamilya ni Marj.
Binasura ng RTC ang reklamo ni Denise pati ang kontra reklamo ni Marj. Pumanig ang RTC kay Marj tungkol sa kagustuhan diumano ni Antonio na malibing sa mosoleo ng pamilya nito tutal ay hindi naman na sila nagsasama ni Denise. Naging konklusyon din ng korte na walang ipinakitang pagmamahal si Denise sa asawa dahil nakuha pa nitong pumunta ng Amerika kahit na nag-aagaw buhay na ang lalaki samantalang ginawa naman ni Marj ang lahat ng tungkulin ng isang mabuting maybahay.
Kaya raw siguro ginusto ni Antonio na malibing sa mosoleo ng pamilya ni Marj. Isa pa, wala raw kabutihan na magagawa ang pagpapahukay at paglilipat sa bangkay. Huwag na raw dungisan ang pangalan ng lalaki at igalang na lang na nilibing siya sa mosoleo ng pamilya ni Marj.
Pero binaliktad ng Court of Appeals at isinantabi ang desisyon ng RTC. Ayon sa CA ay karapatan ni Denise na makuha ang labi ng asawa bilang legal na misis alinsunod sa batas (Art. 305 New Civil Code/Article 199 Family Code). Ayon daw sa nasabing mga batas ay may tungkulin at karapatan ang legal na misis na ipalibing ang kabiyak kahit pa may 30 taon na silang magkahiwalay. Ang importante ay kasal pa rin sila nang mamatay ang lalaki.
Ang desisyon ng CA ay kinatigan ng Supreme Court. Ayon daw sa Art. 305 NCC, ang tungkulin pati karapatan para magpalibing sa isang kaanak ay nakasaad sa Art. 199 FC. Sa batas ay una ang asawa sa listahan ng dapat magbigay suporta at magpalibing sa bangkay.
Ayon din sa Section 1103 (a) ng Administrative Code ay ang mister o misis ng namatay ang may tungkulin sa pagpapalibing sa kabiyak kahit sino pa ang sumagot sa gastos nito. Kahit sabihin pa na huling habilin ni Antonio na malibing sa mosoleo ng pamilya ni Marj ay dapat pa rin na sundin muna ang batas. Wala rin naman na ebidensiyang ipinakita si Marj para patunayan ang sinasabing habilin ng namatay.
Pero dahil na rin sa kabaitan na pinakita ni Marj sa pag-aalaga kay Antonio sa huling sandali ng buhay nito pati pagbibigay ng maayos na libing sa dating karelasyon, dapat ay hindi na siya pagbayarin ng danyos sa pamilya nito bilang sukli sa kaniyang ginawa (Valino vs. Adriano et. Al., G.R. 182894, April 22, 2014).