EDITORYAL – Kulang pa ang tapang laban sa katiwalian

SA mga unang buwan ni President Duterte sa puwesto noong 2016, agad siyang nagpahiwatig ng galit sa mga corrupt sa gobyerno. Galit siya sa mga gumagawa ng katiwalian. Kaya paulit-ulit niyang sinasabi na kapag nakaamoy siya ng “singaw” ng korapsiyon sa isang tanggapan ng gobyerno, sisibakin agad niya ang pinuno rito. Hindi na raw niya tatanungin pa. Sibak agad ito sa puwesto. Kaya ang babala niya sa mga pinuno ng tanggapan na nauugnay sa korapsiyon, kusa nang magbitiw kaysa ipa­hiya pa niya.

Noong 2017, pinakamaraming sinibak sa puwesto­ ang Presidente. Pawang mga miyembro ng Gabi­nete ang sinibak niya. Sinibak niya ang DILG secretary, NIA undersecretary, SSS official at Customs commissioner. May kusang nagbitiw gaya ng Tourism­ at Justice secretary dahil din sa isyu ng corruption.

Noong 2018, marami pa ring sinibak na opisyal ng pamahalaan at umabot pa ang delubyo hanggang­ 2019 kung saan, harap-harapang sinasabi ng Presidente na corrupt ang isang opisyal at dapat nang magbitiw bago pa niya hiyain sa karamihan.

Pero kahit marami na siyang sinibak, ang korapsiyon ay hindi pa rin mawala at nananatiling nasa mga tanggapan ng pamahalaan. Kahit pa nagbanta nang nagbanta, marami pa rin ang gumagawa ng katiwalian at patuloy sa pangungurakot. Halimbawa ay sa Bureau of Customs na patuloy ang korapsiyon. Maraming nakalulusot na kontrabando dahil sa pakikipagsabwatan sa mga corrupt na Customs personnel. Kahit Customs police at janitor doon ay kasabwat din sa katiwalian.

Sa report ng Corruption Perception Index (CPI) ng Transparency International, pang-113th ang Pilipinas kung ang pagbabasehan ay ang pagsugpo sa korapsiyon sa pamahalaan. Nasa 180 bansa ang covered ng nasabing Corruption Index report. Ibig sabihin masyadong malayo pa ang bansa kung ang pagpuksa sa katiwalian ang pag-uusapan. Kulang pa ang tapang ni President Duterte para malipol ang mga tiwali sa pamahalaan. Kailangan pa niyang maging marahas at mabangis laban sa mga corrupt na nagpapahirap sa bayan.

Show comments