EDITORYAL - Ano na’ng nangyari sa Department of OFWs?
Malinaw ang direktiba ni President Duterte noong Hulyo 2019 na kailangan nang buuin o itatag ang Department of OFWs. Ang direktiba ay inihayag niya sa mismong araw ng Pasasalamat sa OFWs na ginanap sa Camp Aguinaldo. Sabi pa niya, nararapat ay plantsado na ito bago matapos ang 2019. Anim na buwan ang binigay niyang panahon para maitatag ang departamentong tututok sa mga pangangailangan at problema ng overseas workers.
Pero nagdaan ang Disyembre, walang Department of OFWs na naitatag. Maraming nagtatanong, kabilang ang OFWs, kung bakit hindi nagkatotoo ang sinabi ng Presidente? Ano ang nangyari sa direktiba?
Mula nang iutos ang pagtatatag ng Department of OFWs, marami nang masasama o karumal-dumal na nangyari sa mga tinatawag na “bagong bayani”. Kabilang dito ang pagpatay sa dalawang Pinay domestic helpers sa Kuwait. Una si Constancia Dayag na pinatay sa bugbog ng kanyang amo noong Hulyo 2019. Nang dalhin siya sa ospital, nakitaan ng pipino na nakapasak sa ari nito. Ikalawa ay si Jeanelyn Villavende na pinatay din sa bugbog at ginahasa pa ng amo noong Disyembre 2019. Itinigil ang pagpapadala ng OFWs sa Kuwait dahil sa karumal-dumal na nangyari kay Jeanelyn.
Nalagay din sa panganib ang buhay ng OFWs sa Iraq dahil sa pagganti ng Iran sa United States sa pagkakapatay sa kanilang top army general noong nakaraang Disyembre. Nagkaroon din ng problema ang mga OFWs sa Libya dahil sa civil war doon.
Gusto ng Presidente na may isang departamento na tututok sa kalagayan ng OFWs. Nakikita marahil niya na masyado nang napapabayaan ang OFWs. Pinagpapasa-pasahan ang mga ito kaya hindi na malaman kung saan susuling sa panahon ng kaguluhan.
Malaki ang naitulong ng OFWs sa bansa noong 1990 na nagkaroon ng financial crisis sa Asia. Dahil sa dollar remittances ng OFWs, nakabangon ang bansa at sumigla ang kalakalan. Ang OFWs ang may pinakamalaking kontribusyon sa pag-unlad ng ekonomiya dahil sa ipinadadalang dollars.
At nakadidismaya ang nangyayari ngayon na ang inaasam nilang sariling departamento ay hindi maisakatuparan. Nararapat kumilos ang mga inatasan na lumikha sa Department of OFWs. Huwag nang ibitin-bitin pa.
- Latest