Sa wakas makaraan ang tatlong buwan, nakapili na rin si Pres. Digong Duterte ng bagong Philippine National Police (PNP) chief sa katauhanni Gen. Archie Gamboa. Hindi nagkamali si Digong sa pagpili kay Gamboa.
Sinabi ko na sa nakaraan kong kolum na sana siya ang piliin at ito nga, natupad na sa tatlong pangalang pinasa ni DILG Sec. Eduardo Año at isa na rito si Gamboa na sinalang mabuti bago itinalaga dahil naging aral sa nangyari kay dating PNP chief Oscar Albayalde na noo’y sangkot pala sa “ninja cops” at corruption.
Sabi ko nga, maski ‘di ko kilala si Gamboa ay siya ang bet ko noong magsimula siyang OIC chief ng PNP. Maganda naman ang pagpapatakbo niya at walang kumontra kaya itinuluy-tuloy na hanggang ma-appoint ng PNP chief.
Sabi ko nga bukod sa PMA graduate at pinaka-senior na heneral ay isa pa palang abogado. Sana lang palawigin ang kanyang termino bilang PNP chief.
Ang mga taong maganda ang binibigay na serbisyo sa gobyerno ay dapat lamang mapanatili sa puwesto. Sa pagkakaalam ko kasi, hindi pa inaabot ng taon ang paninilbihan ng PNP at AFP chief dahil sa edad na 56 ay kailangan na silang magretiro na naaayon sa constitution.
Dapat na sigurong i-revised ang 1987 Constitution dahil ‘yan lang ang paraan upang ang mga matitinong tao na naninilbihan sa gobyerno ay manatili sa puwesto. ‘Di gaya ng mga nasa pribadong sector na nagreretiro sa edad na 60 meron pa ngang 65.
Maganda ang naumpisahan ni Gamboa sa PNP. Kailangang magbawas nang timbang ang mga overweight na pulis at ipagpapatuloy ang drug war ni President Duterte. ‘Yan naman talaga ang layunin ng gobyerno ni Digong tuldukan ang droga sa bansa.