Naglulutong-bahay bakit kumokonti na

NAPANSIN n’yo rin ba? Hindi gaano naglulutong-bahay ang kabataan ngayon. Mas madalas sila kumain sa labas o magpa-deliver sa tirahan.

Sa konting saliksik, napag-alaman kong marami nang restoran, maging chain o specialty, ay nagde-deliver. Kum­binyente, anang mga inusisa ko, wala nang hugasing­ pinggan at kubyertos kaya mas mahabang oras mag-relax. Walang statistics sa Pilipinas, pero meron sa America, na malimit pagsimulan ng bagong trends. Anang U.S. Dept. of Agriculture, ang millennials ay 30% mas malimit sa bar o restoran kaysa ibang henerasyon. Mas konting oras ang ginugugol ng mga edad-25-40 kaysa nakakatanda sa paghanda ng pagkain sa bahay. Halos 13 minuto lang sila sa kusina araw-araw, na kung susumahin sa isang linggo ay mas konti nang isang oras kaysa Gen X. Kung nago-grocery mas marami ang binibili nilang handang pagkain, pasta, at matamis. Mas konting millennials, 64%, ang nagsasabing mahusay sila magluto, kaysa Gen X, 72%, at Baby Boomers, 76%. Marami sa kanila ay hindi alam ang iba’t ibang uri at gamit ng kutsilyo o kung ano ang almires.

Lima umano ang benepisyo ng lutong-bahay: (1) mati­pid, (2) malinis, (3) masustansiya, (4) malasa, (5) masaya. Hindi na totoo ‘yan.

Panahon na ng robot chefs; electronic kitchenware; maramihan kaya murang sangkap, panimpla at sisidlan­; at mahigpit na sanitasyon sa kusina. Mahuhusay ang chefs, inaanunsiyo ang calories, at iba’t iba ang lebel ng asim, tamis, o anghang. Napapabilis, napapamura, napa­pasarap, at napapalusog ang gawang restoran. Masaya rin naman mag-dine-out ang pamilya, huwag lang matrapik at puro nagte-text sa hapag kainan.

Hindi kataka-taka na ang Magnolia brand ng San Miguel ay maglalabas na ng bagong produkto: foods ready-to-eat. Adobo, sinigang, kaldereta, sisig, prito -- ibebenta nang mainit at isusubo na lang.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).

Show comments