Gaya ng nasabi na natin, sa unang pagkakataon kahapon, sa labas ng Batasan Pambansa ginanap ang sesyon ng Kamara de Representante at ito ay sa lalawigan ng Batangas para direktang matulungan ang mga biktima ng pagsabog ng bulkan. At talagang umapaw ang pasasalamat ng mga Batangueño sa pamahalaan, lalo na kay Presidente Duterte.
Dalawang resolusyon ang pinagtibay sa ginawang sesyon na tutulong sa mga biktima. Ito ay ang HR 662 na sumusuporta sa P30 bilyon na hiling ni Digong na supplemental budget para mga biktima ng Taal at ang HR 655 na humihiling na ipalabas sa lalong madaling panahon ang pondo para sa mga relief efforts at programa para sa mga biktima ng kalamidad.
Ayon kay Mrs. Epifania Deogracias na isa sa mga evacuees, napakaganda ng ginawa ng kamara sa Batangas Convention Center dahil nagpapakita ng totoong malasakit ng gobyerno sa mga calamity victims. “Hanga ako sa kanila sa kanilang malasakit sa mga taong kagaya ko” aniya. Ayon naman kay Mrs. Delilah de Castro ibig niyang makauwi na sa kanilang tahanan dahil iba pa rin umano ang pakiramdam sa kanilang bahay kahit maayos ang kanilang kalagayan at pagkain sa kanilang evacuation center.
Kahit si Rep. Raniel Abu ng Cavite ay nagpasalamat kay Speaker Alan Cayetano dahil sa determinasyong matulungan ang mga biktima ng bulkang Taal. Paano ba naman, binitbit pa ni Cayetano ang mga kapwa kongresista para sa Batangas upang mapakinggan ang hinaing ng mga biktima ng kalamidad. Ayon pa kay Abu, hindi basta-basta igugupo ng kalamidad ang mga Batangueño at iba pang biktima ng Taal ngunit nakakataba ng puso na marami ang nagmamakasakit sa mga biktima ng Taal.
Minabuti ng kamara na ilapit pa lalo sa tao lalu na sa mga biktima ng kalamidad ang mga kinatawan ng kongreso upang dinggin ang mga pangangailangan nila, lalo na sa aspeto ng rehabilitation plan.
Ayon naman kay Speaker Cayetano, hindi lang dapat relief efforts ang tinututukan kundi ang long term solutions para sa mga nabibiktima ng trahedya at kalamidad sa bansa lalo pa ngayon at sunod-sunod na tinatamaan tayo ng kalamidad.
Kapuripuri ang nga mambabatas. Dahil sa kanilang mga gawain na akala ng marami ay imposibleng gawin gaya ng P.5M na donasyon ng Rules Committee sa Taal victims, patuloy na relief operations ng Bahay, BHW Party Lists at Rep. Len Alonte na nagbigay ng relief packs, Cong Mike Defensor na nagbigay ng N95 masks at si Speaker Cayetano at misis na si Rep. Lani na nagbigay din ng family food packs, inuming tubig, libreng medical consultations, gamot at N95 masks.