Hindi pa man tayo tapos mag linis sa alikabok ng Taal Volcano at ayon sa Phivolcs meron pang mas malakas na pagsabog sa susunod na mga araw. Kaya hanggang ngayon nakataas pa rin sa alert level 4 at wala ng mga mamamayan ang puwedeng bumalik sa kanilang mga tahanan baka abutan ng pagsabog at panibagong problema ang dulot.
Kelan kaya tayo tatantanan ng pagsubok? Nadagdagan na naman ang kaso ng polio sa bansa, ‘di ba’t nawalan na ng tiwala ang mga magulang sa bakuna? Kung kelan laganap ang sakit tsaka naman aligaga ang itong pabakunahan ang kanilang mga anak. Bakit pag-itinurok ba o pinatak ang gamot ay patay agad ang mikrobyo sa loob ng katawan?
Heto at may panibagong dagok na naman tayong pagdaraanan. Meron isang batang Chinese na nakitaan ng sintomas ng coronavirus. Sa kabila ng paghihigpit sa mga taong galing sa China sa airport ay bakit nalusutan sila nito? Akala ko ba sa airport pa lamang dahil sa makabagong kagamitan makikitaan na ang taong may dala ng ganitong sakit?
Ang nakakabahala nito ang mga doctor ay hindi pa nakakakita ng tamang lunas sa virus na ito, madali pa naman ito makahawa. Ang coronavirus ay may galing China naipasok na ito sa iba’t ibang bansa sa Asya tulad ng Japan, South Korea, Thailand at ngayon meron ng isang batang Chinese na nakapasok dito sa bansa. Ang mahirap pa nito kulang tayo sa kagamitan dahil kinailangan pang sa ibang bansa iksaminin upang malaman kung anong klaseng virus ang dumapo sa bata.
Kung maaalala n’yo ang African Swine Fever ay para sa mga baboy, ‘di ba galing din itong sakit sa China. Nalulusutan tayo dahil sa kakulangan ng paghihigpit. Sana huwag nang kumalat pa ang coronavirus sa ating bansa kung hindi panibagong problema na naman natin itong kakaharapin.