Alam ninyo ba na sa bawat kilowatt hour na babayaran ng madlang Pinoy para sa kuryente, ay hindi bababa sa P.50 ang awtomatikong nakolekta ng isang kumpanya na may P7,000 capitalization na naitayo lamang noong Mayo 2018?
Ibinulgar ni Puwersa Ng Bayaning Atleta Party-list Rep. Jericho Nograles, na nagtataka kung bakit at paano ang isang Independent Electricity Market Operator ng Pilipinas Inc., (IEMOP) ay nagawa umanong makorner ang isang kontrata para pamahalaan ang Wholesale Electricity Spot Market (WESM) na walang anumang competitive selection process?
Mas masahol pa rito sabi ni Nograles, ang IEMOP ay nagawang patakbuhin ang operasyon nito na pumupugak ang capitalization sa pamamagitan ng pagkuha ng daan-daang milyong pisong halaga ng government-funded IT assets.
“Laway lang ang puhunan, ginigisa pa ang mga electric users at tayong lahat sa sariling mantika,” banat ni Nograles.
Sa isang briefing sa House Committee on Energy, kinalkal ni Nograles ang IEMOP tungkol sa kanilang mga kuwalipikasyon at kinakailangang magsumite pareho ang IEMOP at PEMC ng may mga katuturang mga dokumento sa Kongreso.
“Mula sa mga dokumento na isinumite, lumalabas na ang IEMOP ay wala pang karanasan, at ang mas masahol pa dito ay walang mga ari-arian para magsilbing mga operator ng Wholesale Electricity Spot Market. No wonder na walang competitive selection process, “ tirada ni Nograles.
Ayon kay Nograles, ang P7,000 capitalization ay hindi sapat upang bumili ng isang food cart franchise.
Sabi nga, what more para pamahalaan ang wholesale electricity spot market?
Tirada ni Nograles, kailangan busisiin ng House Committee on Energy ang isyung ito.
Sabi ni Nograles, ang IEMOP incorporated ay nagawa noong Mayo 15, 2018 at sa bawat pitong incorporator, nag-ambagan sila ng tig-P1,000 bilang paid up capital.
Ano ba ito?
Inilarawan ng IEMOP ang sarili nito bilang isang “non-stock, non-profit na organisasyon” to become Independent Market Operator of the Wholesale Electricity Spot Market.
Matapos ang 4 months bilang incorporation, ang IEMOP ay pumasok sa isang kasunduan sa Philippine Electricity Market Corporation (PEMC) upang sakupin nito at pamahalaan ang WESM.
Sabi ni Nograles, totoo na ang EPIRA law ay nag-uutos ng paglikha ng isang independiyenteng operator para sa WESM, dapat magkaroon ng isang competitive selection process upang matukoy kung aling kumpanya ang pinaka-karampatang at pinakamahusay upang patakbuhin at pamahalaan ang WESM.
Birada ni Nograles, ang sweetheart deal na ginawang posible para sa IEMOP na lumago mula P7,000 capitalization ay naging isang multi-million outfit na may declared income na P100 million noong 2018.
Sabi nga, lot of explaning to do!
Abangan.