EDITORYAL - Earthquake drill

Ayon sa Phivolcs, patuloy ang paglindol sa mga lugar na nakapaligid sa Taal Volcano. Kahapon nakapagtala ng 700 pagyanig. Ayon sa Phivolcs, ang pagyanig ay indikasyon na may umaakyat na magma sa bulkan. Hanggang sa kasalukuyan hindi pa inaalis ang alert level 4 sa Taal sapagkat pinangangambahan na mayroon pang malakas na pagsabog na magaganap. Bagama’t kumalma na ito mula nang sumabog noong Linggo. Hindi pa rin pinapayagan ang mga tao na makabalik sa kani-kanilang mga bahay. May mga pinayagan pero para kunin lamang ang mga alagang hayop. Ayon sa Phivolcs, mas mahirap kapag pinabalik ang mga tao at saka mag-aalburoto ang bulkan.

Ang mga pagyanig ay karaniwan na lamang sa mga lugar na apektado ng pagsabog. Ikinatatakot ng mga residente ang malalaking bitak sa lupa na naging dahilan para ang mga bahay ay mawasak at ang ilan ay tumagilid na.

Hindi pa rin nawawala ang pagpa-panic sa tuwing yumayanig. Marami pa rin ang nataranta. Nakita na wala pa ring kahandaan sa lindol. Kapag lumindol, nalilimutan na ang mga itinuturo sa drill gaya ng duck, cover and hold para makaiwas sa panganib.

Sa pagkakataong ito na walang tigil ang pagyanig dahil sa pagsabog ng Taal, ang pagkakaroon ng earthquake drill ay nararapat na idaos. Ipagpatuloy ang regular na drill para nakahanda ang lahat at walang mangyayaring pagpa-panic.

Sa mga nakaraang paglindol na naganap sa bansa noong nakaraang taon, nakita sa mga kuha ng CCTV ang pagpapanic ng mga tao habang bumababa sa gusali. Karamihan sa kanila ay hindi alam ang gagawin. Walang preparasyon sa lindol kaya marami ang nahintakutan.

Kung alam ng mga residente ang gagawin, makakaligtas sila sa kamatayan. Karaniwang ang ginagawa ng mga tao kapag lumilindol ay nagtatakbuhan at nag-uunahan na makalabas sa gusali o bahay. At dito nagkakaroon ng stampede kaya may mga namamatay. Hindi sila sa lindol namatay kundi sa pag-uunahang makalabas sa gusali.

Mayroon din namang nababagsakan ng kisame, salamin at haligi sapagkat hindi na sila tumitingin sa paligid nila dahil sa pagkataranta. Huwag kalimutan na kapag may lindol ay huwag gagamit ng elevator sapagkat maaaring ma-trap doon kapag naguho ang gusali.

Mahalaga ang earthquake drill sa panahong ito na hindi alam ng bawat isa kung kailan tatama ang malakas na lindol. Dapat preparado ang lahat.

Show comments