Natutuwa ako sa isang ordinaryong mamamayan ng Lipa, Batangas, sa lugar kung saan nagmula ang aking pamilya. Si Lola Rosalina Mantuano ay isang senior citizen na mananahi at hindi matatawaran ang ambag niya sa pagputok ng Taal Volcano.
Ang mga telang kanyang pinagtabasan ay muli niyang tinahi upang gawing face mask at ipinamahagi sa kanyang mga kapitbahay. Ang iba ay dinadala ng kanyang manugang na isang miyembro ng motorcycle riders sa evacuation centers.
Isang simpleng bagay na galing sa mga ordinaryong mamamayan na napapakinabangan nang marami nating kababayang biktima ng Bulkang Taal. Isa itong sampal sa mga mapagsamantalang negosyante na halos limang beses naman na nilang tinaasan ang presyo ng face mask noong unang araw ng pagsabog ng bulkan.
Ang Panginoon talaga ay gumagawa ng paraan upang maputol na ang mga gawaing masasama rito sa lupa. Nararapat bigyan ng hindi malilimutang parusa ang mga negosyanteng nagtaas ng presyo ng face mask.
Sa ngayon bumabaha na ang tulong na dumarating sa evacuation centers galing sa gobyerno, Red Cross, pribadong sector, mga artista at meron ding galing sa ibang lahi. Maraming paraan ng pagtulong maliit man o malaking bagay ay may halaga na yun sa mga bakwit. Ganyan dapat!
Maganda na sana ang balita natin e dahil nagbabayahihan tayong mga Pilipino sa panahon ng kalamidad kaya lang merong lumiliko ng landas. Ang masakit pa nito sila ‘yung dapat unang sumaklolo sa mga biktima kung bakit sila pa ang unang naging mapagsamantala. Wala silang pinagkaiba sa mga kawatan di ba?
Marami pang katulad si Lola Rosalina na tumutulong sa sariling pamamaraan. Hindi man sila napasama sa mga balita pero Panginoon na lamang ang bahalang mag-angat sa kanila. Mabuhay kayong lahat na bayani.