SOBRANG lamig tiyak ang opisina ni Richie Laurel, ang hepe ng Department of Public Safety (DPS) District lV sa Maynila na matatagpuan malapit sa San Sebastian church dahil bago ang kanyang aircon. At siyempre pa, malamig din ang ulo at pakuya-kuyakoy lang si Laurel habang iniistima ang mga bisita niya. Kaya lang habang masarap ang buhay ni Laurel, naghihikahos at may halong takot ang sitwasyon ng halos 30 empleyado ng DPS, na kung tawagin ay mga job order (JO). Bakit? Kasi nga, itong aircon pala sa opisina ni Laurel ay galing sa pinagpawisan ng mga JO. Ang siste pala, itong mga JO na hindi pa naka-suweldo mula pa Disyembre ay nilapitan ng mga alipores ni Laurel at hiningan ng tig-P2,500 para makasuweldo at ma-renew din ang kontrata nila. Sa takot na mawalan ng pagkain ang pamilya nila, nilunok ng mga JO ang pride nila at nag-abot ng naturang kantidad kina alyas Angie at Paolo. Halos P8,000 lang kada buwan ang suweldo ng JO at kinaltasan pa ng malaking halaga. Kung 30 ang JO na kinaltasan ng P2,500, eh tumataginting na P75,000 ito at ang mahal pala ng aircon ni Laurel. Ang masama pa nito, kahit naghatag na ang mga JO, aba ipinuwesto pa sila sa malalayong lugar na kung tutuusin ay dagdag gastos at malaking bawas na naman sa suweldo nila. Sa pagkaalam kasi ng mga JO, may kautusan si Mayor Francisco Domagoso na dun sa malapit sa lugar lang nila sila ma-assign para menos gastos.
Mukhang magsisilbing dungis sa mukha ni Domagoso ang hinagpis ng mga JO sa DPS at maaring magamit ito laban sa kanya sa darating na 2022 elections.
Kaya dapat paimbestigahan ni Domagoso kay SMART chief Maj. Rosalino Ibay Jr., ang mga alipores ni Laurel at patawan ng parusa ang mga nagkasala para makabawi ang imahe niya. ‘Wag din payagan ni Domagoso na matolonges siya ng mga bataan ni Laurel. Abangan!