“Ang tayog ng pagkatao at ng isang bansa ay nasusukat sa kung paano nito tinuturing ang mga hayop” (The greatness of a Nation and its moral progress can be judged by the way its animals are treated).-Mahatma Gandhi
KUNG minsan mapapa-isip ka. Ang tao parang hayop. Ang hayop mas tao pa. Paanong masasabi na walang kuwenta ang buhay ng hayop? Sila ang nagsasakripisyo para sila’y patayin at kainin para mabuhay ang tao. Sila ang ipinapanganak para ipagtrabaho sa bukid, humila ng mabigat, sakyan para sa turismo, transportasyon at kung anumang kabuhayan ng tao. Sila ang kasama sa bahay, nagbibigay ligaya at nagmamahal sa atin. Nakakakilala sila ng nagmamahal sa kanila. Tumutugon kapag tinawag ang pangalan. Nakakaramdam ng pisikal na sakit at nakakadama ng pagkalinga. Lahat ng nagmamay-ari ng aso o pusa sa bahay magpapatotoo na nagtatampo rin ang mga alaga sa bahay. Mayroon silang damdamin. Kapag tumitig ka sa mata ng kabayo, makukumbinsi ka na ito ay nakakaintindi.
Kakayanin mo bang titigan ang pangingisay sa sakit ng isang hayop? Mapapanood mo ba ang pagkatay ng isang baboy? O matitiis mo ba ang pag-ungol sa gutom ng isang aso? Palagay ko’y hindi. Pero tatalikuran mo ito para hindi mo na makita o marinig pa, o maramdaman. Ayaw natin ng responsibilidad. Ayaw natin na may intindihin pa. Hindi naman makasalita o makareklamo ang hayop, kaya wag na lang pansinin. Ito ang totoo. Pero huwag nating sasabihin na “hayop lang yan”. Tao ang may diperensiya.
Sa maraming bansa, mulat na ang mamamayan at gobyerno sa halaga ng buhay ng hayop. Mayroon din silang mga karapatan. At sa panahon ng kalamidad mayroong mga establisadong paraan para sa kanilang kaligtasan. Sa Pilipinas, mayroon nang batas para sa karapatan ng mga hayop. Labag na sa batas na sila’y pagmalupitan. Kahit ang hayop na kinakain mayroong makatao na paraan ng pagkatay na hindi makakaramdam ng sakit ang hayop. Ang aso at pusa ay BAWAL patayin at kainin. Pero hindi pa lahat ay sumusunod. Di parin gaanong sineseryoso ng gobyerno ang pagpapatupad. Bakit gumawa pa ng batas kung di naman ipapatupad?
Sa panahon ng ganitong kalamidad, wala pang mga panuntunan. Itong nagaganap sa Taal ay nakakadurog ng puso. Mga kabayong ginamit at pinagkakitaan sa turismo, basta iniwanan sa isla. Puwede namang habang nililikas ang tao ay may sabayang probisyon ng paglikas ng hayop. May pera ang gobyerno. Bakit hindi? Ang mga kabayo roon ay nagkakandamatay sa pagkasulasok mula sa buga ng bulkan. Ang mga iniwan na mga alaga sa bahay balisa at nagtatahulan sa gutom. Marami ang nagkakasakit dahil sa nalalanghap na lason mula sa hangin.
Mayroong mga grupong tumutulong. Hindi sapat ang tulong sa dami ng hayop. Pero, kahit paano, may mga naisasalba. Papunta ang maliit naming grupo ngayon sa isang barangay para magsalba ng mga inaabo na mga hayop para dalhin sila sa shelter, mapaliguan, mapatingnan sa beterinaryo at mapakain hanggang mawala ang peligro. Hindi ko alam kung paano o hanggang kailan masusuportahan ang mga naisalbang hayop, pero pilit kakayanin namin.
Kung mayroon kayong malasakit sa mga hayop at nais tumulong, email lamang po sa akin at marami kaming magiging kamay ng inyong puso: adoptapetfromk@gmail.com.
May buhay din ang mga hayop.