EDITORYAL - Kahalagahan ng evacuation centers
Muling lumutang ang kahalagahan ng evacuation centers sa pagputok ng Taal Volcano. Sa rami ng mga residenteng lumikas mula sa mga bayan na nakapaligid sa volcano island, hindi na malaman kung saan sila dadalhin. Marami ang nagsisiksikan sa mga pansamantalang evacuation centers sa Tagaytay, Santo Tomas, Lipa City, Tanauan, at iba pang bayan sa Batangas na hindi napinsala ng pagputok ng bulkan. Maski ang isang sabungan sa Lipa ay ginawa na ring evacuation center para matirahan ng mga taong lumikas mula sa Agoncillo, San Nicolas at Talisay. Sabi ng may-ari ng sabungan, hindi sila magpapasabong hangga’t kailangan ng mga evacuees.
Nang dumalaw si President Duterte sa mga biktima ng Taal sa isang evacuation center sa Lipa City noong Martes, muli niyang sinabi ang kahalagahan ng pagkakaroon ng evacuation centers. Sabi niya, kailangang magkaroon ng evacuation centers sa bawat bayan para may nakahandang pagdadalhan sa mga biktima ng kalamidad. Nangako siya na isusulong ang pagkakaroon ng evacuation centers sa kanyang termino.
Ang pagkakaroon ng evacuation centers sa bawat bayan ay unang lumutang nang manalasa ang Bagyong Yolanda sa Kabisayaan noong Nobyembre 2013 na naging dahilan ng kamatayan nang mahigit 6,000 tao. Naging problema kung saan dadalhin ang mga biktima ng Yolanda sapagkat halos lahat ng mga bahay ay nawasak partikular sa Eastern Samar.
Maraming pulitiko ang nagsabi na kailangang gumawa na ng evacuation centers ang pamahalaan para nakahanda sa pagdating ng kalamidad. Pero pitong taon na ang nakalilipas, wala ni isa mang evacuation centers ang naitayo. Kung saan-saan dinadala ang mga biktima ng kalamidad kaya maski sa sabungan o kulungan ng baboy ay mayroong nilalagak.
Atasan ng Presidente ang local government units (LGUs) na magkaroon ng evacuation centers para nakahanda sa anumang mangyayari. Ang Pilipinas ay takaw-kalamidad at hindi na ito mababago kaya dapat may evacuation centers na makakanlungan.
- Latest