Bayanihan
Dumaraan na naman ang ating bansa sa isang matinding pagsubok. Noong Linggo ng hapon, ginulantang tayo ng pagsabog ng Taal Volcano sa Batangas.
Nabulaga ang lahat lalo na ang mga kababayan nating naninirahan malapit sa bulkan.
Nagkatarantahan at hindi malaman ang gagawin kung saan tutungo. Maraming mga kababayan natin ang nilisan ang kanilang mga bahay upang makatakas sa nakakasulasok na amoy galing sa bulkan at sa makapal na abo.
Lutang na lutang ang spirit ng bayanihan nating mga Pilipino. Nakita ng buong mundo na tayo ay nagkakaisa sa panahon ng kalamidad. May mga organisasyon at ordinaryong mamamayan ang nagbukas ng palad para tumulong sa mga biktima.
Nakakabagbag ng damdamin ang pamamaraan ng pagtulong. Hindi man sila magkakakilala pero hindi nagdalawang-isip na nagbukas ng pinto upang patuluyin ang ating mga kababayan.
Pero kung meron mang mga bayani, hindi maaalis na may mga balasubas na negosyante. Sinamantala ang pagkakataon upang kumita ng pera. Sabi nga nila ang lahat ay may hangganan dahil bistado ang kanilang masamang gawain.
Kapag napatunayan ng Department of Trade and Industry (DTI), malamang mabigat at ‘di-malilimutang parusa ang kanilang tatanggapin. Mas mabuti na ipasara ang ganitong klaseng mga negosyo para hindi na tularan ng iba.
Hindi lang naman tayong mga Pilipino ang sinusubok ng tadhana dahil meron ding mga bansang dumaranas ngayon ng pagsubok. Ang pinakamabisang panangga natin ngayon ay ang dasal na sana’y malampasan nating lahat ang mga pagsubok na nararanasan.
Hindi kaya ginigising tayo ng kalikasan sa sunud-sunod na kalamidad nating nararanasan?
Sa ngayon, kalmado ang Taal Volcano pero ayon sa Philippine Institute on Volcanology and Seismology (Phivolcs), huwag tayong magkakampante dahil may posibilidad na ito’y muling sumabog.
Sa mga kababayan nating matitigas ang ulo, sumunod sa mga babala o abiso. Huwag nang magpumilit bumalik sa inyong mga bahay dahil baka buhay n’yo naman ang mawala.
Isinaalang-alang lamang ng mga awtoridad ang inyong kaligtasan. Payo ko, mag-ingat kayong lahat diyan.
- Latest