KAPAG may kalamidad, lumulutang ang mga ganid na negosyante. Sinasamantala ang pagkakataon para kumamal ng pera. Ang nasa isip nila ay kumita nang malaki kahit pa nakikita nilang marami ang biktima ng kalamidad ay walang ibibili o kapos na kapos na sa buhay. Wala na sa isip nila ang awa sa kapwa. Ang sarili na lang ang iniisip at pawang kita.
Ang ganitong sitwasyon ay nakita makaraang pumutok ang Bulkang Taal noong Linggo. Nagbuga nang makapal na abo ang bulkan at sa isang iglap, nabalot ng abo ang maraming bayan sa Batangas at iba pang karatig na lalawigan. Nagmistulang disyerto ang mga lugar na malapit sa bulkan dahil sa kapal ng abo. Maski sa Metro Manila ay umabot ang ashfall.
Mabilis mag-isip ang mga negosyante. Hindi pa bumabagsak ang abo, nailabas na ang mga face masks. Ang face masks ang mabisang pananggalang para maprotektahan ang pagpasok ng delikadong abo na galing sa bulkan. Kapag nalanghap ang abo, maaaring magkasakit sa respiratory system. Lubhang delikado umano kapag nakalanghap at pumasok sa baga ang abo ng bulkan. Ang mga maysakit na asthma ay nararapat na maprotektahan ng face mask. Palulubhain ng abo ang kanyang kondisyon kapag walang face mask.
Ang face mask ay nagkakahalaga lamang ng P30 bawat piraso. Mabibili ang mga ito sa mga drug store, department store at convenient store. Subalit nang magsimulang kumalat ang abo ng bulkan, ang P30 na face mask ay naging P200 at ang iba pa ay ibinebenta sa halagang P300.
Isang lalaking may-asthma ang nagsabing napilitan siyang bumili ng face mask sa isang tindahan sa halagang P200 para lamang may maipamprotekta sa kanyang mukha at hindi makalanghap ng abo. Wala umano siyang magawa kundi bumili kahit mahal.
Ayon sa Department of Trade and Industry (DTI), mapaparusahan ang sinumang magsasamantala sa panahon ng kalamidad. Ang mga negosyanteng magtataas ng sobra-sobra ng binibentang face mask ay mapaparusahan nang mabigat.
Isuplong ang mga ganid na negosyante na walang iniisip kundi ang pagkita ng pera. Nararapat maparusahan ang mga ganid na sa panahon ng kagipitan ay lalo pang lumalabas ang pagsasamantala. Hindi sila dapat kaawaan.