Ang mga abusadong pinagkalooban ng pribilehiyo!
Anumang pribilehiyo ay may kalakip na kondisyon o regulasyon na kailangang sundin, ipatupad. Ito ay pinagkakaloob at hindi kailanman karapatan.
Marami, lalo na kung negosyo ang pag-uusapan ang inaabuso ang pinagkaloob na pribilehiyo. Hindi pinapahalagahan, bagkus ginagamit para sa pansariling interes.
Isang halimbawa ay ang mga pasaway na Local Recruitment Agencies (LRA) sa ilalim ng Philippine Overseas Employment Agency (POEA). Ginagamit ang pribilehiyo ng “accreditation” para maging pendehong untouchables.
Eto pa, ‘yung isang higanteng television network. Ginamit ang pribilehiyo ng kanilang prankisa para maghari-harian at mag-angat lamang ng isang panig.
May mga nagmamagaling na pulitiko, pareho raw ang pribilehiyo’t karapatan. U-lol (laugh out loud), parang tubig at langis ‘yan, magkaiba, ‘di kailanman puwedeng pagsamahin.
Parehong halimbawa na pinagkalooban, pinagkatiwalaan at binigyan ng pagkakataong mamayagpag sa kanilang mga negosyo. Subalit parehong umaabuso’t may nilalabag na mga batas ng Pilipinas.
Simplehan natin, isang pabrika ng plastic sa Valenzuela ang inireklamo sa BITAG kamakailan. Higit sandosenang mga empleyado ang dumating sa aking tanggapan.
Hindi pagpapasahod ng ayon sa batas, hindi pagbibigay ng mga tamang benepisyo, panlalamang at pang-aabusong berbal ang mga reklamo.
Sa BITAG na raw sila lumapit dahil nang minsang may mga kasamahang nagreklamo sa Department of Labor and Employment (DOLE), tinimbrehan daw ang pabrika. Alam daw kung kailan ang schedule ng inspeksiyon ng DOLE at pilit silang itinatago sa loob ng pabrika para hindi makita at masama sa bilang ng mga empleyado.
Hindi nagkamali ang BITAG sa taong agad naming nilapitan para makatulong sa reklamong ito. Ang punong bayan ng Valenzuela na si Mayor Rex Gatchalian, hindi basta nangako’t nagsalita, hindi rin nagpapogi, aksiyon ora mismo!
Ayon kay Mayor, kasama sa kondisyones na pagkalooban ng pribilehiyong business permit ang bawat kompanya sa Valenzuela na sumunod sa mga patakaran at regulasyon ng batas. Kasama rito ang pagkilala sa karapatan ng mga manggagawang Pilipino sa ilalim ng mandato ng DOLE.
Anumang paglabag ng kompanya sa mga regulasyong itinakda ng lokal na pamahaalan, maaaring magresulta sa pagkansela ng lisensiyang ipinagkaloob sa mga negosyante.
Bihirang manindigan ng ganito ang mga pulitiko katulad ni Mayor Rex. Sa iba kasi, mahalaga ang negosyong itinatatag sa kanilang mga nasasakupan dahil sa ibinabayad na buwis ng mga ito.
Kesehodang lumabag sa batas nasyonal o lokal, basta nagbabayad, nagbubulag-bulagan na lamang ang iba. Hindi kasi basta pulitiko ang katulad ng mayor na ito, ang mali ay mali, mananagot ang lumabag at nang-abuso, katulad ng prinsipyo namin sa BITAG.
Abangan ang segment ng pagpapatawag ni Mayor Rex Gatchalian sa mga nagmamay-ari ng inireklamong pabrika kasama ang BITAG.
Kung sana lahat ng ama ng isang lungsod o bayan, maging mga kawani ng gobyerno ay ganito, walang maraming chorva, excuses, burukrasiya ng appointment at paantay… mas maraming kababayan ang siguradong matutulungan at maaakasiyunan ang pangangailangan.
- Latest