TAGUMPAY ang “Andas Wall” na inilatag ni National Capital Region Police Office (NCRPO) acting chief BGen. Debold Sinas matapos na mapaaga ang pagpasok ng andas ng Itim na Nazareno sa Quiapo Church. Limang oras na napaaga ang Traslacion kumpara sa mga nagdaang mga taon. Wala ring namatay at nabawasan ang mga nasaktan. Congratulations Sir Sinas! Ngunit sa kabila ng tagumpay ni Sinas, sandamakmak namang reklamo ang narinig matapos may masaktan sa mga suot na combat boots ng mga pulis. Ang masakit, may mga eksena na halos sakalin na ng ilang pulis ang mga debotong nagnanais makalapit sa andas ng Nazareno. Kaya sa mga darating na araw, tiyak na ipatatawag sila sa gagawing papogi points este imbestigasyon ng mga Kongresista sa sobrang pambabraso ng mga kapulisan. Inagaw naman ni Southern Police District BGen. Bathan ang cell phone ng isang reporter nang makitang kinukunan nito ang mga eksenang ‘di-kanais-nais sa “Andas Wall”.
Kung titingnan nga naman, nagmistulang prusisyon ng poon ng mga kapulisan ang pagbabantay at paghila sa andas. Siniguro kasi ni Sinas na magiging maayos at mabilis ang pag-usad ng Traslacion kaya nilagyan ng 1,200 pulis na sasagupa sa puwersa ng mga deboto. Nang ilabas sa Quirino Grandstand dakong 4:16 ng umaga ang Nazareno, katakut-takot na balyahan agad ang naganap subalit nanaig ang lakas ng mga pulis kaya mabilis na nakausad ang Traslacion. Subalit pagbaba ng Ayala Bridge, kumalas na rin ang mga pulis kaya nagtagumpay ang mga deboto na makasampa sa andas. Maraming deboto ang nawalan ng malay at nasugatan kaya to the rescue naman ang MMDA. Maging ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection at fire volunteers ay umasiste rin. Patunay lamang na naging handa sa Traslacion kaya naiwasan ang disgrasya ng mga deboto.
Sa tagumpay ng Traslacion, ito na ang simula na magiging mas mahigpit pa ang gagawin ng PNP tuwing traslacion. May tampo lang ang ilang namamanata sa Poong Nazareno. May mga kababayan kasi na nagmula pa sa malalayong lalawigan na ang panata ay makahawak o makapunas man lang sa Poon. Hindi naman natin sila masisi dahil may kanya-kanya silang dahilan sa pagkunyapit sa andas mula pa noong kabataan nila. Ginampanan lang naman ng kapulisan ang kanilang tungkulin upang masiguro na ligtas ang lahat at mapausad nang mabilis ang andas. Kaya mga suki, sa susunod na traslacion siguradong iba na ang magiging patakaran na paiiralin ng mga pari at pulis dahil sa tagumpay ng “Andas Wall” ni Sinas.