Mga ikagagalit ng mga apo natin

“HAY naku, bakit ganyan ang kabataan ngayon?” Iling ng anumang tumandang henerasyon. “Nakakatawa ang pa­na­namit nila. Nakakatulig sa tenga ang musika nila. Wala silang respeto sa mga nakakatanda.” Pero ang mga bata ay may ikinagugulantang din tungkol sa matatanda. Halimbawa: “Talaga, nagmay-ari sila ng alipin noon? Hindi pinaboboto­ noon ang kababaihan? Krimen noon maging bakla’t tomboy­?” Dala ‘yan ng mga katotohanang hindi matanggap nu’ng na­unang panahon, tulad ng pagkakapantay-pantay at kara­pa­tang pantao.

Sinuri ng mga kasalukuyang futurists kung anu-ano ang isisisi ng mga apo natin sa henerasyong ito, dahil sa mga masasamang epekto sa buhay nila. Tatlo ang matitinding sagot.

Una ang climate change. Habang piniprito sila sa init ng panahon at binabayo ng matitinding bagyo, itatanong ng mga kabataan sa 2120 kung bakit, sa kabila ng libu-libong pag-aaral, hinayaan ang greenhouse gases. Malamang itago natin sa kanila ang mga retrato ng ating pagkotse o eroplanong de-gasolina, at ikailang madalas tayo bumiyahe. Sila kasi ay ma­ngagsisibakasyon sa bahay lang para walang polusyon.

Ikagugulantang nila ang masibang pagkain natin ng karne. Ang mga apo natin ay puro meat substitutes na ang kaka­inin, tulad ng insekto para sa protein. Dahil ang utot at processing ng karne ay pinanggagalingan ng methane, ibi­bintang nila sa atin ang labis na pagkain ng burgers, at kalupitan sa pagkatay natin ng mga hayop.

Kalusugan at haba ng buhay ay magiging karaniwan sa mga apo natin. Ikaiinis nila ang matinding paggamit natin­ ng antibiotics. Dahil sa kalabisan na ito, tumitindi lalo ang mga supergerms -- at sila ang magmamana ng salot. Pati anti­biotics sa simpleng galos ay ituturing na nila na nakaka­bi­ngit-buhay.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).

Show comments