WALANG na veto ni singkong kulangot si Boss Digong nang lantakan este mali lagdaan pala nito ang P4.1 trillion 2020 General Appropriations Act.
Sabi nga, very good!
Sabi ng mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, iba ang nangyari last 2019 national budget dahil may nabukong “paningit’ na P95.3 billion kaya naman nagkaroon ng malaking problema rito porke ang “Build, Build, Build” project at serbisyong bayan ni Boss Digong para sa madlang Pinoy ay nabinbin.
Ika nga, binusisi at hinimay-himay ang 2019 national budget nang todo-todo nang magkabukuhan sa insertions.
Ayon sa mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, walang pork ang nasingit sa 2020 GAA kaya naman umaatikabong nilagdaan agad ito ni Boss Digong.
Sabi nga, December 2019 ratified na ng Kamara at Senado ang national budget pero kinalkal pa ito ni Boss Digong bago nia pinirmahan para matiyak na tutugon sa mga programa ng gobierno ang pagkalatag ng budget partikular sa mga proyekto para sa edukasyon, social services at imprastraktura.
Kaya naman maipapatupad na ang mga programa para sa madlang Pinoy dahil sa on-time na pagiging batas ng national budget.
Saluduhan natin ang mga mambabatas kabilang na ang mga senador lalo na ang Kamara sa pamumuno ni Speaker Alan Cayetano na siyang may “power of the purse” dahil sa mga record-breaking na mga kaganapan sa Kamara pati na ang paghataw ng survey ratings ng liderato nito na ngayon lang nangyari sa kasaysayan ng Kamara.
Ano sa palagay mo Senator Ping, may pork barrel ba kaya?
Abangan.