HINDI lamang drug traffickers at mga terorista ang binabantayan ngayon at baka makapasok sa bansa kundi pati na rin ang “misteryosong sakit” na nag-originate sa China na ayon sa report ay mabilis makahawa. Mayroon na umanong 44 na biktima sa Wuhan, China at nadadagdagan pa. Ang sakit ay halos katulad umano ng severe acute respiratory syndrome (SARS) na nanalasa sa China noong 2002-2003 na dahilan ng kamatayan ng daang katao sa China at Hong Kong.
Parang pneumonia umano ang “misteryosong sakit” at unang nakita noong Disyembre 24 sa Wuhan. Ayon sa report, mabilis ang pagdami ng nagkasakit kaya naalerto ang mga awtoridad at lahat nang mga galing sa Wuhan ay idinaan sa masusing check-up. Lahat nang mga Chinese na nagtutungo sa Hong Kong ay idinadaan sa check-up at ang makikitaan ng sintomas ay ikina-quarantine para hindi kumalat ang sakit.
Lubhang nakakatakot sapagkat delikado ang sakit na ito. Hindi ito dapat ipagwalambahala. Ngayong dagsa ang mga Chinese sa bansa, maaaring may makalusot at maikalat ang sakit. Mayroon lamang isang Chinese na maysakit at makalusot, narito na ang virus sa bansa. Hindi dapat mangyari ito.
Paigtingin ang pag-screen sa mga darating na pasahero lalo na ang mga nanggaling sa China at Hong Kong. Masusing tingnan kung may mga pasaherong nagtataglay ng sakit at agad na ilagay sa quarantine para hindi na makahawa.
Ang walang tigil na pagtatrabaho ng Department of Health (DOH) sa pagkakataong ito ang nararapat na maipakita. Hindi dapat makalusot ang mga maysakit sa NAIA pa lang. Kadalasang nangyayari na ang pagkalat ng sakit ay dahil hindi na-monitor sa airport.
Ngayon kung anu-anong sakit na ang nakapasok sa bansa na pinaka-latest ang African Swine Fever (ASF), dapat maging alerto at magbantay ang lahat. Ang ASF na kasalukuyan pang nasa bansa ay naipasok dahil umano sa mga pagkaing pork na dala ng mga dayuhan. Ang mga tirang pagkain ay ipinakain sa mga baboy na inaalagaan sa likod bahay.
Maging mapagbantay upang ang “misteryosong sakit” ay hindi makapasok sa bansa. Panatilihin ng mamamayan ang pagiging malinis sa katawan para makaiwas sa sakit.