Hindi na natuto sa mga nakaraang malalagim na kamatayan makaraang magpaputok ng baril noong nakaraang Bagong Taon at karamihan sa kanila ay pulis at sundalo. Nagpapaputok sila ng baril noong bisperas ng Bagong Taon sa kabila na matindi ang paalala sa kanila na huwag magpapaputok. Hindi pa rin nila maiwasan ang pagkati ng daliri sa gatilyo at walang habas na nagpaputok.
Ayon sa Philippine National Police (PNP), 21 ang nagpaputok ng baril noong bisperas ng Bagong Taon at ilan sa mga ito ay pulis, sundalo at security guards. Naaresto na ang mga nagpaputok ng baril at inihahanda na ang kaso laban sa kanila. Ayon sa PNP, hindi nila kukunsintihin ang mga pulis na nagpaputok ng baril at titiyaking matatanggal sila sa serbisyo.
Nararapat lamang na tanggalin sa puwesto ang mga pulis at sundalo na mapapatunayang nagpa-putok ng baril. Hindi kailangan sa serbisyo ang mga katulad nilang “trigger happy’’. Marami nang pangyayari sa nakaraang pagdiriwang ng Bagong Taon na may natatamaan ng ligaw na bala at ikinamatay.
Gaya halimbawa ng nangyari sa batang si Ste-phanie Nicole ng Caloocan City noong Disyembre 31, 2012. Nanonood lamang ng fireworks display si Nicole at kanyang mga pinsan nang bigla itong matumba. Nang tingnan, may tama na pala siya ng bala sa ulo. Isinugod ang bata sa ospital subalit makaraan ang ilang araw ay namatay din ito. Hanggang sa kasalukuyan, wala pang napaparusahan sa pagkamatay ni Nicole. Ang kanyang kaso ay inaagiw na at nakatambak sa lumang bodega ng mga usaping wala nang pag-asa pang maresolba.
Noong Disyembre 31, 2018, pitong pulis din ang naaresto dahil sa pagpapaputok ng baril. Hindi na nalaman kung natanggal sa puwesto ang mga pulis. Sabi ni Sen. Panfilo Lacson, nararapat na sibakin agad ang mga pulis na “trigger happy’’. Wala umanong pagpapahalaga sa buhay ng kapwa ang pitong pulis.
Dahil sa kagagawan ng mga ‘‘utak pulbura’’ maraming buhay ang nasasayang. Dapat lumikha ng batas laban sa mga nagpaputok ng baril na maparusahan sila nang mabigat. Kung maaari, habambuhay na pagkabilanggo.