Sinibak dahil sa anak (Unang bahagi)
Ang kasong ito ay tungkol sa pagtanggal sa empleyado na diumano ay iniwan o inabandona ang kanyang trabaho. Kinunsidera ang empleyado na mahilig lumiban sa kanyang trabaho at laging absent na hindi man lang nagpapaalam. Ang isyu sa kaso ay ang ibig sabihin ng labis o sobrang pagliban sa trabaho, kung kailan masasabing pag-abandona na ito at kung tamang parusa sa kanya ang pagsibak o pagtanggal na lang sa kompanya dahil lumiliban siya sa trabaho na walang paalam.
Ang kaso ay may kinalaman kay Lino na kasal kay Petra. May isang anak sila, isang batang lalaki na ang ngalan ay Dexter. Nagtatrabaho sa isang kompanyang gumagawa ng beer si Lino bilang alalay sa mga ruta/delivery. Mahigit dalawang taon na siya sa kompanya nang mangyari ang isang matinding problema sa pamilya. Basta na lang silang iniwan at nilayasan ni Petra at dahil buong araw ang trabaho ni Lino, wala siyang mapag-iwanan sa anak na si Dexter.
Napilitan siyang dalhin sa Visayas ang bata at iuwi sa kanyang tatay at nanay para roon maalagaan ang anak. Hindi naman niya mapaluwas ang mga magulang dahil matatanda na sila at mahihirapan na lumuwas sa siyudad para lang mag-alaga sa kanilang apo. Idagdag pa na siya mismo ay dumadanas ng pagod pati pisikal at emosyonal na paghihirap dahil sa pinagdaraanang problema.
Sa paghatid kay Dexter sa probinsiya, isang buwan na hindi sumipot sa trabaho si Lino. Hindi rin niya nakuhang magpaalam sa trabaho. Pinadalhan siya ng memo ng kompanya para magpaliwanag sa loob ng 24 oras kung bakit hindi siya dapat patawan ng parusa. Sumagot naman sa takdang oras si Lino.
Ipinaalam niya sa kompanya na napilitan siyang dalhin ang anak sa probinsiya dahil inabandona sila ng kanyang asawang si Petra at walang mag-aalaga sa bata sa siyudad. Hindi raw niya nakuhang tumawag o kaya ay magpadala man lang ng telegrama habang nasa probinsiya dahil kailangan niyang bumili ng mga gamot, nabaon daw siya sa utang at nanghiram pa ng pera sa iba.
Nang sumunod na araw na matanggap ng kompanya ang paliwanag ni Lino ay hindi itinuring ng pamunuan na katanggap-tanggap ang kanyang dahilan. Ayon daw sa mga patakaran ng kompanya, itinuturing na pag-abandona sa trabaho ang kanyang ginawa dahil malinaw na paglabag ito sa regulasyon tungkol sa pagliban ng anim na sunud-sunod na araw na walang paalam. Tinanggal sa trabaho si Lino matapos ang 30 araw.
Pitong araw matapos sibakin sa trabaho ay nagsampa ng reklamo sa NLRC si Lino para sa kasong “Illegal dismissal”. Wala raw basehan ang pagtanggal sa kanya sa trabaho dahil hindi naman napatunayan na walang sapat na dahilan ang kanyang pagliban. Masyado raw matindi ang parusang sibakin siya sa serbisyo lalo at kung tutuusin ay puwede naman na suspendihin na lang siya tutal ay mahigit na dalawang taon na siyang nagsisilbi sa kompanya.
(Itutuloy)
- Latest