Mapayapa ang Bagong Taon
Nitong nakaraang Bagong Taon naging mahimbing ang tulog namin ng aking asawa dahil malaking porsiyento ng paputok sa aming lugar ay nawala hindi tulad ng mga nakaraang Bagong Taon na inaabot ng umaga ang mga nagpapaputok. Ngayon meron din pero mga lusis at torotot na lang ang ginagamit nang marami naming kapitbahay.
Habang nagkakaedad ang tao mas gusto naming maaga ang pagtulog ‘di tulad noong aking kabataan walang tulugang nangyayari habang naghihiwalay ang taon, gumagawa ng paingay palakasan ng mga binibi-ling paputok at walang pakialam kung ito ay nakasasama basta ang mahalaga ginugunita ang Bagong Taon sa naglalakasang paputok dahil pantaboy daw ito ng malas.
Mula noong ipagbawal ni President Digong ang mga delikadong paputok ay unti-unting nang nababawasan ang mga pasyente o naputukan. Meron lamang tala-gang sadyang matitigas ang ulo na kahit bawal ay may nagtitinda pa rin at may bumibili kaya ayun ospital ang bagsak. Pero masaya ako dahil pakonti na nang pakonti ang mga nagiging biktima. Pasasaan ba at masasanay din tayo na wala nang gagawa, magbebenta at gagamit ng mga delikadong paputok.
Hindi ako nawawalan ng pag-asa na sa darating pang mga Bagong Taon puro na lang tayo pailaw tulad nang ginagawa sa maraming bansa habang ginugunita ang Bagong Taon. Naggagandahan at nakaaaliw ang kanilang fireworks. Dahil pawang pailaw, wala tayong nababalitaan na napuputulan ng kamay, sabog ang mukha at nabubulag. Wala ring gumagamit ng baril sa ibang bansa tuwing sasalubungin ang Bagong Taon. Dito sa atin, hindi talaga maawat ang mga pasaway na gun owner.
Puwede naman pala nating ipagdiwang ang Bagong Taon na mapayapa, bawas sa paputok at bawas din ang naputukan. Sana sa susunod, zero na ang delikadong paputok at puro na lang tayo pailaw upang masigabo nating ipagdiwang ang Bagong Taon.
- Latest