Ipagbawal ang paputok
Kung ipinagbawal sana ni President Digong ang lahat ng paputok nitong nakaraang pagdiriwang ng Bagong Taon sana ay wala nang mapuputulan ng kamay at daliri o mabubulag. Pero hindi niya ipinagbawal kundi pinanatili lamang ang Executive Order No. 28 na inisyu pa noong 2017 kaya wala ring pagbabago at nagpatuloy pa rin ang patagong paggawa at pagbebenta. At ang resulta, maraming naputukan sa kamay at nasugatan at mga bata ang biktima. Ayon sa nabasa ko sa mga pahayagan, umabot na sa 288 ang nasugatan sa paputok. Marami pa rin ito.
Ang akala ko ay matindi ang pag-ayaw ng Presidente sa mga paputok sapagkat sa kanyang pinamunuang siyudad – ang Davao City ay talagang naipatupad niya na walang paputok. Sa haba ng taon na pinamunuan niya ang Davao ay napanatili niyang walang paputok kaya naman zero casualty doon sa pagdiriwang ng Bagong Taon.
Maaari namang ipagbawal ito. Nasubukan na sa Davao at maaaring buong bansa na. Sana sa mga nalalabing termino ni President Digong ay ipatupad niya ang total ban sa mga firecrackers. Lahat nang paputok ay bawal. Pawang pailaw na lang para walang disgrasya.
Bukod sa nakasisira sa kapaligiran ang usok ng paputok, nagpapalubha rin ito sa mga maysakit na asthma. Marami ang nagkakasakit dahil sa usok. Marami rin ang sunog na naitala dahil sa paputok.
Hihintayin pa bang may mamatay dahil sa pagpapaputok. Sana ay magkaroon na ng pasya si Digong at sa susunod na taon ay ipagbawal na ng tuluyan ang paputok. Pakinggan sana ang kahilingang ito. ---TIMOTEO DEOGRACIA, Fairview, Quezon City
- Latest