EDITORYAL - Plastic na basura
BUONG mundo ay namumroblema sa plastic na basura. Bawat baybaying dagat ng mga bansa ay may mga inaanod na plastic. Hindi lamang Manila Bay ang namumulaklak sa mga basurang plastic kundi marami pa. Kung tutuusin, baka mas malala pa ang basura sa ibang bansa.
Sa pag-aaral na ginawa, tinatayang 437 million hanggang 8.3 billion plastics ang inaanod sa mga coastline sa buong mundo. Sa baybaying dagat ng America, tinatayang 7.5 million plastics ang nakatambak at maski ang mga namumuno roon ay problemado sa mga inaanod na basura.
Pandaigdig ang problema sa mga basurang plastic kaya marami ang nananawagan na ang bawat bansa ay magdeklara ng paglaban sa plastic pollution. Ipagbawal na ang paggamit ng plastic na sumisira sa kapaligiran. Ang Pilipinas ay ikatlo sa mga bansang may maraming plastic na basura. Nangunguna ang China at pumapangalawa ang Indonesia.
Magandang malaman na aktibo si Environment Secretary Roy Cimatu sa paglaban sa mga nagtatapon ng basura. Minsang nagsalita siya sa isang forum, sinabi niyang tapos na ang araw ng mga gumagawa ng krimen laban sa Inang Kalikasan. Ang pag-abuso sa kalikasan ay tutuldukan na sapagkat mahigpit nang ipatutupad ang environmental laws, rules, regulations at ordinances.
Nakakatuwa na ganito kasidhi si Cimatu sa paglaban sa mga sumisira sa kalikasan. Sana ang kasunod nito ay ang pagpapakita ng kamay na bakal laban sa mga iresponsableng mamamayan na walang pakundangan kung magtapon ng plastic sa mga kanal at estero.
Ipamulat sa mga iresponsable na ang mga basurang plastic na kanilang itinapon ay humahantong sa Manila Bay. Kaya anumang kampanya sa paglilinis ng Manila Bay ay mawawalan ng saysay kung hindi titigil sa pagtatapon ng dumi at basura. Totohanan na ang paglilinis kaya nararapat makiisa ang mamamayan. Tuldukan na ang walang disiplinang pagtatapon ng mga plastic na basura sa kalsada, kanal, estero, ilog at dagat man.
- Latest