MALAPIT sa puso ko ang mga magsasakang Pilipino at usaping agrikultura. Marami ang hindi nakakaalam na ako’y kumuha ng kursong Agriculture Engineering sa Unibersidad ng Pilipinas sa Los Baños. Kaya madali kong maunawaan at maintindihan kapag reklamo ng mga magsasaka ang pag-uusapan. Tulad ng presidente, hindi ko gustong binabastardo’t niloloko ang mga magsasaka.
Nitong Disyembre lang, dalawang magsasaka mula pa Cotabato City sa Mindanao ang dumating sa tanggapan ng BITAG. Ang mga pobre, nalubog na sa pagkakautang sa banko, nanganganib pang mawala ang lupang sinasaka na pamana pa ng kanilang mga ninuno. Developmental loan daw sa Landbank ang kanilang pinasok sa pangu-nguna ng Green Planet Incorporated. Bilang business partner, ang kompanyang ito ang kumubra’t nangasiwa ng perang inutang sa banko at ng plantasyon. Subalit noong panahon na ng anihan, idineklarang “failure” ang kanilang mga pananim dahil bumagsak ito sa exportation standards. Utos daw ng Green Planet Inc., ibaon sa lupa ang mga saging dahil rejected na ito. Laking pagtataka nga raw ng magsasaka kung bakit naging failure ang mga tanim samantalang teknolohiya’t pamamahala mismo ng Green Planet ang ginamit sa pagtatanim ng mga saging.
Sa huli, naubos na ang inutang na pondo, wala pang kinita ang mga magsasaka at ang matindi, sila pa ngayon ang pinagbayad ng utang sa banko. Double whammy ang ginawa sa mga pobre. Dumagdag sa kalbaryo ng mga magsasaka nang hindi sila pansinin ng Landbank-Koronadal nang hingian nila ito ng tulong. Ang kanilang lupa kasi ang ginawang collateral ng banko sa loan ng Green Planet Inc. Ang kahilingan lamang ng mga magsasaka, tumulong ang Landbank na makausap ang Green Planet sa kanilang kapabayaan sa pangangasiwa ng pondo’t plantasyon.
Tinawagan ko ang Branch Manager ng Lanbank-Koronadal kung saan naka-file ang loan ng mga magsasaka. Bilang imbestigador sa media, kinukuwestiyon ko kung bakit hinayaan nila na pumasok ang mga magsasaka sa ganitong uri ng transaksiyon. Palusot ng Manager, na hindi naman daw disadvantageous sa pamahalaan ang utang. Kung hindi ba naman nag-iisip, lugi ang mga magsasaka kaya’t lugi rin ang pamahalaan sa perang pinautang. Napansin ko na hindi constant ang monitoring ng Landbank sa developmental project ng mga magsasaka. Isa itong malaking kapabayaan lalo’t pera ng bayan ang kanilang pinahiram - maaari itong maim-bestigahan ng Commission on Audit (COA). Tila natinag, kaya nangako ang bank manager ng Landbank-Koronadal na bibigyan nila ng atensiyon at kaukulang tulong ang problema ng mga magsasaka. Ang mga simpleng tao gaya ng mga magsasakang lumapit sa amin ang mismong kumakatawan sa paninindigan ng BITAG, mga taong pinagmalalabisan at sinasamantala na di kayang ipagtanggol ang kanilang sarili.
Patuloy naming tutukan ang sumbong na ito. Nakamasid muna ang BITAG sa ngayon bilang kortesiya sa sangay ng gobyerno na siyang marapat na rumesolba sa problemang ito. Oras na bumalik sa aking tanggapan ang magsasaka, tuluyan na kaming manghihimasok!