EDITORYAL- Ibawal ang paputok!
TATLONG araw na lamang at Bagong Taon na. Marami nang nagpapaputok. May naririnig nang pagsirit ng kuwitis at may sinisindihan nang Sinturon ni Hudas. Maraming bata ang tuwang-tuwa sa pagpapaputok ng piccolo. Nagpapayabangan sila. May mga namumulot nang hindi pumutok na piccolo subalit pagdampot, sumabog. Nasapol ang isang daliri at kailangang putulin.
Nakapagtataka kung paano nakakabili ng piccolo gayung kasama ang firecracker na ito sa mga ipinagbabawal sa ilalim ng Executive Order No. 28 na nilagdaan ni President Duterte noong Disyembre 2017. Sa mga sari-sari store ay maraming tindang piccolo at pinapakyaw ito ng mga bata. Noong nakaraang taon, ang piccolo ang may pinakamaraming naitalang pagkaputol ng daliri lalo sa mga bata.
Kahit bawal, patuloy pa rin ang paggawa at pagbebenta ng mga paputok. Ayon sa report, mabibili na online ang mga paputok. Sabi ng Philippine National Police (PNP) hindi naman daw ito bawal basta susunod sa Republic Act No. 7183 o ang fireworks law.
Kung ganitong puwede pala sa online na makabili ng mga paputok, hindi nga maiiwasan na marami ang madidisgrasya. Patuloy na may mapuputulan ng daliri, braso at mabubulag dahil sa paputok. Hindi matutupad ang nais ng Department of Health (DOH) na “zero casualty” sa paputok kapag sasapit ang Bagong Taon.
Balewala ang EO 28 sapagkat marami pa rin ang gumagawa at nagbebenta. Sa ilalim ng EO 28, mahigpit na pinagbabawal ang mga malalakas na paputok na gaya ng Sinturon ni Hudas, Sawa, Superlolo, Bawang, Goodbye Earth at Goodbye Philippines, Bin Laden at piccolo. Dapat isama na rin ang piccolo sa mga delikadong paputok.
Paigtingin ng PNP ang pagsamsam sa mga malalakas at mapaminsalang paputok. Dapat doblehin nila ang pagkilos lalo na ngayong tatlong araw na lamang ay Bagong Taon na. Dahil din sa mga paputok kaya nagkakaroon ng mga sunog. Dapat pa bang tangkilikin ang nakakaperwisyo?
Hiling kay President Duterte na ipagbawal nang lubusan ang mga paputok gaya nang ginawa niya sa Davao City. Kung naipatupad niya ang total ban noon, hindi na mahirap para maipatupad sa buong bansa. Simulan na ngayon ang pagbabawal para maging ligtas at payapa ang pagdiriwang ng Bagong Taon.
- Latest