Basura

NAPAKAHIRAP para sa atin ang magtapon ng ating mga basura sa tamang lagayan. Hindi na yata kayang tuldukan ang basura sa ating bansa. Ito ang isa sa pinaka­mahirap matupad kung isasama sa ating New Year’s resolution.

Malaking hamon para sa mga sarili kung kaya pa bang ilagay sa ating listahan ang disiplina. Napakasimpleng kautusan pero nahihirapan tayong sundin.

Hindi pa ba sapat ang mga nararanasan nating pagbaha tuwing sasapit ang tag-ulan? Mga sakit na nakukuha natin sanhi ng basura? Hindi ko naman nilalahat pero kung sino pa ang mga taong malapit sa peligro, sila pa ang balasubas sa pagtatapon ng kanilang mga dumi at basura kung saan-saan.

Kami ng aking asawa tuwing kumakain kami sa mga restaurant alam naming ligpitin ang aming pinagkainan upang pagkinuha ito ng mga waiter ay maayos na. Kahit sa aming basura hiwalay ang mga nabubulok sa hindi nabubulok, diyan man lamang ay makatulong ang aking pamilya sa ating kalikasan.

Mag-umpisa tayong disiplinahin ang ating mga sarili sa loob ng ating tahanan. Turuan ng tamang pag-uugali­ ang ating mga anak. Tingnan natin at hanggang sa ka­nilang pagtanda saan man sila magpunta ay dala-dala nila ang ating pangarap. Nitong nakaraang Pasko lamang binaboy na naman ang ating pambansang pas­yalan.

Nakakarimarim tingnan ang mga iniwang basura ng mga nagdiwang ng Pasko sa Rizal Park. Sa rami ng mga basurahan na puwede namang pagtapunan, kung bakit ang makakating kamay ay kung saan-saan ihinahagis ang kanilang hawak na basura.

Sa darating na Bagong Taon alam nating lahat na mas marami ang darayo sa Luneta. Sana naman, magkaroon na tayo ng disiplina sa sarili nakatulong na tayo sa bayan at kalikasan.

Manigong Bagong Taon sa lahat!

Show comments