Hustisya, hangad ng isang ina sa pagkamatay ng anak

NOONG nakaraang Linggo, may dumulog na mag-ina sa aming tanggapan para hanapin ang hustisya sa pagkamatay ng isa pa niyang anak na lalaki. Naaksidente ito sa motor at naging malubha ang lagay bago tuluyang namatay.

Walang police report ang nangyaring aksidente. Pero base sa mga nakakita, walang nakabanggaan ang kanyang anak at self-inflicted accident ang nangyari.

Nanggaling daw ito sa lamay bago maaksidente. Pakiwari ko, napatoma ito at nawala sa huwisyong magmaneho pauwi. Wala pang suot na helmet ang binata kaya nang ma­wala sa balanse, bali sa buto at trauma sa utak ang sinapit ng pobre.

Nadala pa sa ospital ang kanyang anak pero na-coma­tose rin ito dahil sa grabeng tinamo dulot ng aksidente. Tatlong araw pa ang lumipas bago ito tuluyang nalagutan ng hininga.

Pinaliwanag ko sa kanila na may tatlong uri ng kamatayan ang tao. Natural death – dulot ng karamdaman o katandaan, violent death – karumal-dumal na kamatayan, at aksidente – hindi sinasadya o dahil sa kapabayaan. Minulat ko ang mag-ina sa katotohanang walang taong puwedeng sisihin sa pagkamatay ng kanilang kapamilya. Aksidente ito dulot ng posibleng kalasingan at wala namang may gusto sa nangyari.

Sa huli, napagaan ko rin ang kanilang loob. Tinawag na sa Tahanan ng Poong Maykapal ang kanyang anak na lalaki at dapat lang na patahimikin na nila ito.

Ang BITAG, marunong umunawa sa mga ganitong klase ng sumbong. Normal lang na hindi agad nila matanggap ang sinapit ng kanilang kaanak kaya sila nakakaisip ng iba-ibang konklusyon sa nangyaring aksidente. Kaila­ngan lang nila ng mas mahaba pang oras para maghilom at makausad sa pinagdaanan nilang bangungot.

Mga boss, live everyday as if it’s your last. Hiram lang ang buhay natin sa Maylikha kaya sulitin ang mga pagkakataong kasama natin ang mga mahal sa buhay.

Show comments