EDITORYAL - Malalagim na aksidente sa kalsada
Ngayong buwan na ito, sunud-sunod ang mga naganap na aksidente sa kalsada na kinasasangkutan ng mga sasakyang nawalan ng preno. Pawang malalagim ang aksidente sapagkat marami ang namatay. Nagmistulang “bumibiyaheng kabaong” ang mga sasakyang sangkot sa aksidente. Karaniwang dahilan ay nawalan ng preno kaya nangyari ang pagbangga o pag-araro sa mga bahay o pagkahulog sa bangin. Bakit hindi pa igarahe ang mga “kabaong” para wala nang nasasayang na buhay?
Noong nakaraang linggo, siyam ang namatay at lima ang nasugatan nang mawalan umano ng preno ang isang dump truck sa pababang bahagi sa Bgy. Looc, Cardona, Rizal. Binangga ng dump truck ang isang pampasaherong jeepney na ikinawasak ng unahang bahagi nito. Nagtuluy-tuloy pa ang dump truck sa pagtakbo at binangga uli ang isang Isuzu trailer truck. Namatay on the spot ang siyam na sakay ng jeepney na pawang mga estudyante. Kinasuhan na ang driver ng dump truck at nakakulong na.
Halos kasabay ng aksidente sa Cardona, isang delivery truck na puno ng buhangin ang bumangga sa 12 sasakyan sa Mendez, Cavite na ikinamatay ng 2 tao at ikinasugat ng 20 iba pa. Nawalan din ng preno ang truck kaya nangyari ang malagim na aksidente.
Pawang nawalan ng preno ang dahilan kaya nagkaroon nang malagim na aksidente. Nagpapakita lamang ito na kahit karag-karag ng mga sasakyan ay ibinibiyahe pa rin. Kahit wala nang preno, takbo pa rin nang takbo. Wala nang pakialam kung bumangga o mahulog man ito sa bangin at ikamatay ng mga tao.
Maghigpit ang Land Transportation Office (LTO) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga “karag-karag” na sasakyan. Huwag nang bigyan ng prankisa ang mga bulok na sasakyan. Maraming mamamatay kung hahayaan pa ang pagbiyahe ng mga “kabaong” sa kalsada. Alisin na ang mga bulok na sasakyan para wala nang madamay at masayang na buhay. Nararapat nang magpatupad nang mahigpit na kautusan ang pamahalaan na ang mga karag-karag na sasakyan ay walisin na sa kalsada.
- Latest