Dedikasyon

Si Quezon City RTC Judge Jocelyn Solis-Reyes ay masasabi kong pinakamagiting na judge sa ating kasaysayan. Walang takot at pag-aalinlangang hinatulan ng reclusion perpetua o 40 taong pagkakakulong ng walang pardon o parole ang magkakapatid na Datu Andal at Datu Zaldy Ampatuan at iba pang miyembro ng pamilyang sangkot sa malagim na Maguindanao massacre.

Maimpluwensiyang pamilya ang mga Ampatuan. Walang puwedeng humadlang sa kanilang political career dahil binubura nila sa mundo. Ganyan ang pinag-ugatan ng Maguindanao massacre. Kaya naman triple ang ginagawang pagbabantay ngayon kay Judge Reyes.

Kung maalaala n’yo may isang judge na nag-inhibit sa kasong ito dahil ayaw niyang madamay ang kanyang pamilya kapag hinawakan ang kaso. Pero hindi nagpasindak si Judge Reyes sa pamilya Ampatuan.

Umabot man ng isang dekada bago ibinaba ang desis­yon, maganda naman ang itinakbo ng kaso dahil sa wakas nakamit na ng pamilya ng mga biktima ang hustisya.

Magandang pamasko ang kanilang natanggap mula sa taas. Matatahimik na rin ang kaluluwa ng mga biktima. Maubos man ang kayamanan ng pamilya Ampatuan sa pagbabayad sa pamilya hindi pa rin nito kayang tapatan ang buhay na inutang.

Sana mapansin ni President Digong si Judge Reyes at italaga sa Court of Appeals at balang araw sa Supreme Court. Ganyan katatapang na hukom ang kailangan ng ating bansa. Pader man ang banggain ay sumusulong pa rin.

Hindi biro ang desisyon ni Judge Reyes. Sa 761 pahina, siguro ang gabi ay ginagawa niyang araw upang hindi magkamali ng desisyong ilalabas at alam din niya manganganib ang sariling buhay. Nagdesisyon nang naayon sa konsensiya.

Kahanga-hanga si Judge Reyes. May your tribe increase.

Maligayang Pasko sa lahat.

Show comments