Pagkaraan ng 10 taon, nakamit din ang hustisya ng mga biktima ng karumal-dumal na Maguindanao massacre. Sabi ng mga eksperto sa batas, mabilis pa nga raw ang 10 taon na itinagal nang paghatol sa ganitong klase ng krimen. Sa dami ng mga akusado –180 --- mabilis pa ang 10 taon para maibaba ang hatol.
Kahanga-hanga raw ang mabilis na paghahatol na ginawa ng babaing huwes sa mga nasasakdal. Hindi raw pangkaraniwan ang kasong ito lalo na’t ang mga sangkot ay maimpluwensiyang pamilya na hawak ang isang buong probinsiya.
Kahapon, ganap nang natighaw ang kauhawan sa hustisya ng mga kaanak ng biktima. Hinatulan ni Quezon City Judge Jocelyn Solis-Reyes ng habambuhay na pagkabilanggo na walang parole ang mga akusadong sina Datu Andal Unsay Ampatuan Jr., Datu Zaldy Ampatuan, Datu Anwar Ampatuan Sr., Datu Anwar “Ipi” Ampatuan Jr., Datu Anwar Sajid Ampatuan, Manny Ampatuan, Mohades Ampatuan at Misuari Ampatuan.
Kasama ring hinatulan ng guilty ang 20 iba pa. Umabot sa 761 pages ang promulgation of judgment. Pawang ang mahahalaga lamang na nakasaad sa promulgation ang napagkasunduan ng magkabilang panig na basahin. Inabot ng isang oras ang pagbabasa ng hatol na nagsimula ng 11:05 ng umaga.
Bagama’t partial lamang ang paghahatol kahapon, sapagkat mayroon pang hindi nahuhuli sa mga akusado, marami na ang nasiyahan sapagkat ang mga principal na akusado ay nahatulan. Kahapon din ay dinala na sila sa New Bilibid Prisons para pagdusahan ang ginawang karumal-dumal na krimen.
Nararapat namang mahuli ang iba pang akusado para maging ganap na ang paghahatol. Kapag nahuli ang sinasabing 80 pang akusado, dito masasabing tapos na ang kaso at ganap nang matatahimik ang kalooban ng mga naulila. Hangga’t hindi nadadakip ang iba pang may kinalaman sa krimen, aandap-andap ang kalooban ng mga kaanak ng biktima. Sana madakip sa lalong madaling panahon ang mga nakalalayang akusado.