Hindi nagsisinungaling ang retrato. ‘Yan ang paniniwala mula nu’ng maimbento ang camera isang siglo na ang lumipas. Sa “still” o “moving shot” nakikita ang eksaktong ginawa o sinabi sa kuha, pati sitwasyon at tono. Kaya nga nagagamit ito sa korte bilang ebidensiya ng katotohanan.
Hindi na ngayon. Nakakagawa ng images, videos, at audios na parang tunay pero peke. Miski ang subject ay mapapaniwala na siya nga ang nasa produksiyon. Gamit lang ay malakas na personal computer at machine-learning software. Ang resulta ay tinatawag na “deepfake”.
Unang lumitaw ang kataga sa messaging board na Reddit, bilang username ng account na gumagawa ng pekeng sex videos ng mga sikat na artista. Nagbunsod ng pandaigdigang komunidad na namemeke ng tapes at nagsusulat ng software. Pine-paste lang ang mukha sa katawan ng ibang tao (o hayop), singitan ng tunay na boses, tapos madadagdagan na ng iba pang kilos at talkies -- sa pamamagitan ng artificial intelligence.
Dumali, nagmura, lumaganap ang pamemeke. Hindi na kailangan bumili, magpalisensiya, at maghasa sa maseselang media editing programs tulad ng Photoshop. Miski bata kayang lumikha ng deepfakes.
Mabuti sana kung ginagamit lang ito sa katatawanan. Halimbawa, pabirong spoof tungkol sa kamag-anak o kaibigan para ipalabas sa birthday party niya. O kaya special effects sa pelikula: pulidong naipalit ang mukha ni Jim Carrey sa character ni Jack Nicholson sa isang eksena ng sikat na horror film na “The Shining”.
Pero tulad ng maraming modernong teknolohiya, magagamit ito sa krimen. Halimbawa, sa paninira sa katunggaling politiko. Iniehemplo sa GMA News ang deepfake video ni Sen. Leila de Lima, halaw sa tunay na privilege speech, na “umaamin” siya sa pagiging drug lord. Na-trace ang nameke sa blog ng isang “Dutertard”. Maari din gamitin sa kidnap for ransom: ipapakita sa video na pinahihirapan ang kinidnap. O kaya ipapalabas na patay ang buhay, o buhay ang patay, at marami pang iba.