Mga pulitikong mapagkunwari

BAGO sumapit ang eleksiyon, ang mga pulitiko ay abala sa pag-iikot saan man sulok ng bansa. Ultimo sa mga liblib na lugar sila’y dumarayo para lamang makuha ang simpatiya at suporta ng ating mga kababayan. Na kung atin silang susuriin akala mo maamong tupa at mga taong ‘di-makabasag pinggan.

Pero ang lahat ng ‘yan ay panlabas na anyo lamang ng isang pulitiko na ating iniluklok sa puwesto, dahil matapos ang eleksyon, kinalimutan nang lahat ang pina­ngako. Mahirap na natin silang hagilapin. Ultimo daliri at hibla ng kanilang buhok ay hindi masilayan matapos ang halalan.

Yan ang mahirap para sa ating mga botante kilala lamang tayo kung may kailangan sa atin. Kahit saang lupalop ng mundo iisa ang ugali ng pulitiko. Matapos makatikim ng magandang puwesto ‘di na maalala ang mga taong naghalal sa kanila. Dapat nang putulin ang ganitong uri ng pag-uugali. Kapag kumandidato muli huwag na tayong magpadala sa mga matatamis na mga salita. Suriiin nating mabuti ang mga pulitikong may mala­sakit sa tao at sa bayan.

Para sa akin, si Vice President Leni Robredo ay isang magandang halimbawa ng pulitiko sa ating bansa. Oo nga’t magkasalungat sila ng paninindigan ni Pres. Digong Duterte, tuluy-tuloy lang ang trabaho at sa tingin ko, hindi tumitigil tumulong at binabalikan ang taong pinagkakautangan ng loob ‘yung mga nasa laylayan ng bansa.

At ang puro satsat na si Spokesman Salvador Panelo­ ay walang preno kung bumanat kay VP Leni, ‘yan ang dapat sipain sa puwesto dahil putak nang putak kulang naman sa gawa.

Sa panahon ng kalamidad dapat magtulung-tulong isantabi muna ang problema ng bansa. ‘Yan ang ginawa ni Leni, isinantabi ang ulat sa bayan para makapunta sa mga sinalanta ng lindol.

Show comments