SA kakatapos na Southeast Asian Games na ginanap sa ating bansa, wala akong nakitang kapintasan. Maganda ang naging resulta. Mapayapa at walang kaguluhan. May aberyang konti pero nagawan naman agad ng solusyon. Sa tingin ko, mahirap lampasan ang mga nakuha nating medalya. Nakakuha ang Pilipinas ng 149-gold, 117-silver at 121-bronze.
Malaking hamon sa mga Vietnamese dahil sa kanilang bansa gaganapin ang susunod na SEA Games sa 2021. Naniniwala ako sa kasabihang home court advantage pero sa ipinakitang gilas ng mga manlalarong Pilipino, kayang-kayang lampasan o talunin pa ang mga ito. Tingnan natin sa susunod na SEA Games.
Ngayong tiklop na ang libro ng SEA Games, oras na upang harapin ng bawat isa ang kani-kanilang trabaho. Iwasan na ang pagsisisihan dahil mauubos at masasayang lang ang oras. Nakita naman natin na talagang maganda at bongga ang ginawang paghahanda.
Sa kabila ng ating pagsisikap samu’t saring papuri ang ating natanggap. Para sa ating lahat ang mga papuri dahil tayong lahat ay Pilipino, hindi para sa iilang tao lamang.
Maganda ang Pasko ng bawat manlalaro dahil bukod sa medalya, meron din silang cash na matatanggap. Mas magiging inspirado pa sila sa susunod na palaro lalo’t paparating ang Asian Games at paglipas ng taon Southeast Asian Games ulit sa Vietnam.
Sana magtuluy-tuloy ang pamamayagpag ng ating mga manlalaro dahil may binubuo ang gobyernong plano para sa kanila.
Mainit na pinag-uusapan ngayon ang P4.1 trillion budget para sa susunod na taon. Ayon kay Sen. Panfilo Lacson, may nakasingit na pork barrel dito para sa mga kongresista. Sana, harangin agad ito ni President Digong kung totoo man ito.
Alam nating lahat na numero unong kinasusuklaman ng Presidente ang corruption.
Mahirap talagang mapuksa ang mga buwayang pulitiko. Tingnan natin kung lulusot sila pagdating kay President Duterte.