Grabe ang trapik ngayong papalapit na ang Pasko. Halos hindi na umuusad ang mga sasakyan. Marami ang inaabot ng madaling araw sa kalye sapagkat wala na ngang galawan ang mga sasakyan.
Hindi lamang sa EDSA matrapik kundi sa iba pang kalsada gaya ng Quezon Avenue, Mindanao Avenue, Commonwealth Avenue at Rizal Avenue.
Napansin ko na kaya sobra ang trapik ay dahil sa mga paghuhukay na ginagawa. Mayroon ding road reblocking na ginagawa ang DPWH. Bakit kung kailan holiday season saka nagsasagawa ng paghuhukay o road reblocking. Puwede namang ipagpaliban ang mga ito hanggang sa matapos na ang Kapaskuhan. Dapat hindi isabay ang paghuhukay ngayong ang mga tao ay abala sa paghahanda para sa Pasko.
Isa rin sa walang tigil na paghuhukay sa mga kalye ay ang Maynilad. Dito sa amin sa Gen. Luis St., malapit sa Rebisco Road ay matagal nang naghuhukay ang Maynilad at hanggang ngayon ay patuloy pa rin sa walang katapusang paghuhukay. Hindi ba puwedeng ipagpaliban muna ang mga paghuhukay na ito at saka ituloy pagkaraan ng Pasko.
Isa pang problema kapag hinukay na ang kalsada ay hindi man lang nila nilalagyan ng babala na mayroong paghuhukay na ginagawa kaya mabubulaga na lamang ang mga motorista na mayroon palang ginagawa sa kalsada.
Sana naman, maunawaan ng DPWH at Maynilad ang kalbaryong dinaranas ng mga motorista at commuters na inaabot ng madaling araw sa kalsada dahil sa trapik.
— DAVID JALAIN, Gen. Luis St. Novaliches, Quezon City