MULA dambuhalang computers, naging desktops, laptops, tablets at smartphones. At hindi na lang panggawa ng dokumento at spreadsheet kundi pati musika, video, at nakikita pa ang kausap sa telepono.
Tapos, karamihan ng aparato ay nilagyan na rin ng computer chips, mula kotse hanggang microwave ovens, electronic na karatula hanggang pacemakers. Dahil digitalized na ang mga kagamitan, naging mas mabilis, mura, at eksakto ang resulta: x-rays, washing machines, pabrika ng pagkain, eroplano, pag-book ng biyahe, ilaw sa poste, pag-forecast ng panahon, pagtaya sa casino, transaksiyon sa banko -- halos lahat na.
Akala mo konti na lang na bagay ang walang computers at chips. Pero mali! Marami pa palang gawain at gadgets ang kailangang ma-computerize o lagyan ng chips. Halimbawa, mga alagaing hayop. Nakaimbento na ng micro-machine na ipinalulunok sa baka, tupa o baboy. Masasabit ito sa kung anong pakay na parte ng katawan nila, pero walang pinsala. Batay dito malalaman agad kung may masamang nakain o nararamdaman ang hayop, buntis o busog o naggagatas, para maagapan at malunasan. Kung bilyun-bilyon ang gagawing gan’ung chips, magiging mura lang ‘yon -- wala pang P5 -- para magamit sa mga pastulan at piggeries ng mundo -- taas produksiyon, bagsak mortality.
Magiging 5G (fifth generation) na ang telekomunikasyon -- matulin at maramihan. Bawat tao, sasakyan, siyudad ay konektado sa isa’t isa. Ang doorbell sa bahay ay makakakilala ng bisita. Ang supot ng pagkain sa grocery o plato sa restoran ay magbababala kung may sangkap na bawal sa kakain. Matitiyak kung ilang sasakyan ang dadaan sa kalye o tulay kada oras o taon, para mapagaan ang trapik at maplano ang repair. Pati kung gaano kabilis matuto ng estudyante o mapa-desisyon ang consumer na bilhin ang produkto ay masusukat ng chips.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).