Ilang panukalang reporma sa PMA
BATAY sa mga saksi at diary niya, sistematikong pinahirapan hanggang mamatay si plebo Darwin Dormitorio ng upperclassmen sa Philippine Military Academy. Walang palulusotin sa mga kasong kriminal at administratibo, anang Armed Forces. Wawakasan ang pag-hazing ng mga plebo, dagdag nina bagong PMA superintendent Rear Adm. Allan Cusi at commandant of cadets Brig. Gen. Romeo Brawner. Ang panimula ng reporma ay sa pag-ako na may maling tradisyon sa PMA at halos lahat ng graduates ay dumaan sa pagmaltrato. Lumiham ang isang insider, matagal ko nang source, na humiling na huwag na pangalanan:
“Ang kultura sa PMA ay hubog sa Honor Code na: ‘Kaming mga kadete ay hindi nagsisinungaling, nandaraya, o nagnanakaw, at hindi namin hinahayaan gawin iyon ng sinoman sa amin.’ Pero sa malimit na paglabag ng Code nasasanay ang mga bugok. Kaya nagkaroon ng ibang kahulugan ang mga salitang: (1) ‘Magan’ matapang magbunyag; (2) ‘Take Life’ - lusotan ang parusa sa mga paglabag; (3) ‘Talent’ - makaangat sa pamamagitan ng pagkatuso; (4) Endorsed’ - markado ng upperclassman para pahirapan; (5) ‘Malas’ - pinag-initan ng upperclassman; (6) ‘Malingerer’ - nagsasakit-sakitan para makaiwas sa tungkulin. Anumang bansag ay taglay ng graduates sa buong serbisyo.
“Pansinin ang mga nagbunsog ng trahedya: (1) Nawawalang bota ng upperclassmen - malimit ang nakawan ng gamit na makikita na lang na suot ng iba; (2) Naubos ng plebo na stipend - na ikinagalit ng upperclassmen na liliit ang koleksiyon; (3) Paggamit ng Taser gun ng mga kasapi ng isang kumpanya na kilala sa electric torture.
“Ilang payo: (1) Bumuo ng Parents Association ng mga kasalukuyang kadete para kumalap ng datos, lalo na tungkol sa Item 2, stipends; (2) Palitan ang honor code ng Code of Conduct, kabilang ang respeto sa pagkatao; (3) makiisa sa CHEd para makapagtapos ng mga AB o BS sa History, Philosophy, Engineering, Computer Science, atbp.”
- Latest