Insentibo bumuhos sa Pinoy gold medalists
SANA, pamarisan ng ibang mayayamang sektor ng lipunan ang ginawang pagbibigay ng dagdag na financial reward sa mga Pinoy Gold medalists sa 30th SEA Games tulad ng ginawa ng mga Kongresista ng Mababang Kapulungan. Karagdagan iyan sa inilaan nang pabuya ng Philippine Olympic Commission (POC).
Bless na bless ang mga Pinoy Athletes na humakot ng gold medals. Naglaan ang mga Mambabatas sa Mababang Kapulungan mula sa sariling bulsa ng P10 Milyon bilang pabuya sa kanila. Ito ay mula sa bahagi ng suweldo ng mga kongresista sa Enero 2020.
Iyan daw ang pagkilala at maugong na palakpakan ng mga Solons sa mga Atletang Pinoy na nagbigay ng karangalan sa ating bansa. Ang hakbang ay nakapaloob sa House Resolution 568 na pinagtibay ng kamara at bumabati sa mga atletang Pinoy Gold medalists.
Nanguna rito si Speaker Cayetano, na presidente rin ng Philippine SEA Games Organizing Committee (PHISGOC); House Majority Leader Martin Romualdez; Deputy Speakers Paolo Duterte at Prospero Pichay; House Committee on Accounts chairman Rep. Abraham Tolentino, pangulo ng Philippine Olympic Committee (POC); at House Committee on Youth and Sports Development chairman, Rep. Eric Martinez.
Kaya ngayon pa lang, binabati na natin ang mga humakot ng sandamakmak na medalyang ginto na patuloy pang namamayagpag. Kasama rito ang gold medalists na si Carlos Yulo sa gymnastics, si Agatha sa Wushu at iba pa nating atleta.
Kung ganyan ang gagawin natin, siguradong mamamayagpag ang ating mga atleta. Malay natin, baka mag-bid ang Pinas sa 2030 hosting ng Asian Games. Isa na naman itong magandang karanasan para sa ating bansa at mga atleta.
- Latest