EDITORYAL - Rebyuhin ng DepEd ang basic curriculum

NAKAKADISMAYA ang resulta ng Programme for International Student Assessment (PISA) 2018, kulelat ang Pilipinas sa reading comprehension, math at science. Kabilang ang Pilipinas sa 79 na bansa na sumailalim sa assessment at nakakuha nang pinakamababang 340 points. Mas mataas pa ang nakuha ng Kosovo at Dominican Republic, 342. Nangunguna naman ang China, Singapore, Macau at Hong Kong.

Nasa kabuuang 600,000 mag-aaral na edad 15 ang sumailalim sa pagsusulit ng PISA noong naka­­raang taon. Karamihan sa mga mag-aaral sa Pili­pinas na nasa edad 15 ay nasa Grade 9. Ito ang unang­ pagkakataon na sumali sa PISA ang Pilipinas. Ang computer based-test ay tumagal ng dalawang oras. At nalantad ang kahinaan ng mga estud­yanteng Pilipino sa English reading comprehension at ganundin sa math at science.

Sabi ng Department of Education (DepEd), sumali ang Pilipinas sa assessment dahil nais umano nilang matukoy ang antas ng kaalaman ng mga mag-aaral sa bansa. Inaasahan na umano nila ito dahil mahina rin ang performance ng mga mag-aaral sa National Achievement Test (NAT).

Ngayong alam na ng DepEd ang kahinaan ng mga estudyante sa mga nabanggit na subjects, dapat rebyuhin ang basic curriculum. May mali kaya ganito ang performance ng mga bata. Nagpapakita rin ito na hindi mahuhusay ang mga guro. Kung mahuhusay ang mga guro sa English, Math at Science, magre-reflect ito sa mga estudyante. Pero sa nakitang performance na naging kulelat at nalampasan pa ng ibang bansa na walang kasana­yan sa pagsasalita ng English, talagang may mala­king problema sa curriculum. Dapat itong pagtu­unan ng DepEd.

Isa rin sa maaaring dahilan ay ang mga maling grammar sa English textbooks. Ilang taon na ang nakararaan, isang guro ang pumuna sa mga maling grammar sa ginagamit ng libro ng mga estudyante. Ang mga maling grammar ang pumapasok sa isipan ng mga bata at ito ang tinataglay nila. Dapat magkaroon ng pagbabago sa sistema.

Show comments