SA awa ng Poong Maykapal hindi gaanong naramdaman ang Bagyong Tisoy dito sa Metro Manila. Hindi tulad sa mga probinsiyang dinaanan nito na maraming napinsala. Nasira ang pinagkukunan ng kabuhayan ng ating mga kababayan.
Gayunman pinaghandaan pa rin ito ng Metro Manila mayors. Nagpalikas din sila ng mga tao sa mga lugar na puwedeng bahain tuwing may dumarating na bagyo. Dahil nga ideneklara ng PAGASA na signal number 2 ang Metro Manila.
Meron ibang mga laro sa SEA Games na sinuspende dahil nga sa pagtama ng Bagyong Tisoy, pero hindi nagpadaig ang marami nating kababayan dahil kahit merong signal ang PAGASA sugod pa rin sila sa mga venue ng mga nagaganap na laro.
Mainit pa ring sinuportahan ng ating mga kababayan ang mga manlalarong Pinoy. Tingnan n’yo naman ‘di mapigilan ang mga natatamasang gintong medalya ng ating mga atleta. Inspirado sila sa mga sigawan ng mga kababayan nating manonood.
Nagkaroon man ng konting aberya at batikos bago magsimula ang SEA Games, nabura lahat ito nang magsimula ang opening sa Philippine Arena. Nagkaisa ang mga Pilipino at sinuportahan ang mga atletang Pinoy.
Nakapanindig balahibo ang sigawan at kantahan na nangyari sa pagbubukas ng SEA Games. Ultimo si President Digong ay napaindak sa ganda ng tugtuging “Manila” ng grupong Hotdog. Kitang-kita ang kasiyahan sa kanyang mukha.
Tameme lahat ang mga batikusero. Ipinakita ng mamamayang Pilipino na meron pa rin tayong pagkakaisa sa ating bansa. Para sa akin ito na ang pinakamagandang opening night ng SEA Games.
Nagpamalas din ng disiplina ang mga motorista. Binigyang daan ang motorcade ng mga atleta upang maiwasang maantala ang mga ito.
Tama ‘yan, magkaisa tayo, suportahan ang mga manlalarong Pilipino dahil sa atin sila humuhugot ng kanilang lakas at liksi. Tingnan n’yo naman, hindi nasayang ang ating mga sigaw dahil maganda ang sinusukli nila sa atin. Bumabaha sa kasalukuyan ang gintong medalya ng Pilipinas na habang sinusulat ko ang kolum na ito ay nasa 58 na.